Disiplina Tungo sa Pagbabago

0

Mahirap baguhin ang isang ugaling nakagawian na. Marami tayong  gawi o ugali  na tayo mismo ang nagpapayabong sa paglipas ng panahon.  Ito’y maganda kung nagdudulot ng kabutihan. Subali’t may mga ugali tayong nakasasama sa atin. Bilang mga Kristiano, alam natin kung ano ang mga gawi natin na nakasasagabal sa paglago sa buhay-kristiano.

 

Ang masasamang kilos at ugali na inugatan na ng panahon ay mahirap baguhin.  Maaring nakikita natin ang masamang epekto nito sa katawan, sa relasyon  at ispiritwal na aspeto ng buhay,  at nagkakaroon tayo  ng masidhing pagnanais ng dagliang pagbabago.  Ito ay mabuti at kanais-nais nguni’t  kalimitan  ay hindi nangyayari.  Ang  pagnanais, gaano man katindi  ay kapos para sa tunay na pagbabago.

 

Sa pagbabago, kailangan ay nagpapatuloy na disiplina  sa sarili.   Ang Banal na Ispiritu ang kumikilos  upang tayo’y mag-bago, kaya’t nangangailangan ng pananalangin.   Dapat din ang  aktibong pag-laban sa nais ng  laman. Ang mga maling kilos natin ay maikukumpara sa isang puno ng Balete na nakayapos sa isang biktimang puno. Napakahigpit ng kapit nito kung kaya’t kailangang ng malakas at walang patid na  pwersa upang  makawala sa gapos nito.

 

Kung tayo ay seryoso sa isang mabuting layunin, kailangan ng oras sa pananalangin at oras na isagawa ito. Dito, mahalaga ang disiplina. Maaaring maisakripisyo ang ibang bagay na hindi gaanong mahalaga. Maari ding magdulot ito ng sakit at kahirapan ng kalooban. Subali’t ang hirap ay hindi maikukumpara sa tuwa na maidudulot nito. Disiplina na may panalangin: ito ang nakapaloob sa isang tunay na pagbabago.

 

 

Mula sa “Take Charge of Your Life God’s Way”  ni Richard Ganz 

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top