Bawa’t Kristiano ay Dapat Maglingkod (3)

0

SAM_0053                

Tinawag ng Dios ang bawat Kristiano sa paglilingkod. May anim na motibasyon sa paglilingkod: (1) Naglilingkod bilang pagsunod sa Dios,  (2)  Nagpapasalamat. (3) May kagalakan. (4) Dahil pinatawad ng Dios. Narito ang ikalima at ika-anim na dahilan ng paglilingkod:

(5) Naglilingkod ng may mababang loob. Ang pag-papakababa ni Hesus ay nahayag sa Juan 13:12-16, nang hugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga disipulo. Ito ay upang bigyan sila ng  halimbawa. Sa tao, madalas na ang motibo sa paglilingkod  ay ang inaasahang kapalit. Ang ganitong paglilingkod ayon kay Richard Foster ay pagkukunwari (hypocrisy) o paglilingkod sa sarili.  Ito ay paglilingkod na nais ng  pansin, papuri o gantimpala. Ayaw ng tao na maglingkod, at lalo na ang paglilingkod ng lihim. (kung lihim, paano matatanggap ang  karangalan at pansin?).  Sa tulong ng Banal na Ispiritu, dapat nating itakwil ang pansariling paglilingkod at isipin ang kapakanan ng iba (Fil 2:3).  Sa disiplina ng paglilingkod, ang isyu ay hindi ang galing at husay  (dahil ginagawa din ito ng mundo, lalo pa’t may pakinabang) kundi ang paglilingkod na nagpapakababa sapagkat dahil dito, tayo ay nagiging kawangis ni Kristo.

(6). Naglilingkod dahil sa Pag-ibig. Ang buod ng paglilingkod ay pag-ibig. Ang utos ay “Sa pamamagitan ng pag-ibig ay maglingkod kayo sa isa’t-isa”  (Gal 5:13). Tinanong ang isang misyonaryo sa Africa kung gusto niya ang kanyang ginagawa. Siya ay sumagot: “Hindi! Ayaw ko at ng asawa ko ng madumi, ayaw naming gumapang sa ilalim ng kubo na maraming dumi ng kambing, pero para kay Kristo, may aayawan ba kaming gawin? Gustuhin man namin o hindi ang isang gawain ay hindi mahalaga. Kami ay inutusan na humayo, kaya’t kami’y hahayo. Ang pag-ibig kay Kristo ang humihimok sa amin.”

Kung ang pag-ibig ni Kristo ang motibasyon, ang resulta nito ay pagtanggi sa sarili.  “Namumuhay sila hindi para sa sarili  kundi para sa Kanya..” (2 Cor. 5:14-15). Sinabi ni Hesus na ang pinakamataas na utos ay ang ibigin ang Dios ng higit sa lahat, at ang ikalawa ay ang ibigin ang kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili. (Mar 12:28-31). Kung mas nagmamahal tayo sa Dios mas maglilingkod tayo sa Kanya, at gayon din sa ating kapwa.

Isinalin sa Tagalog. Mula sa Aklat ni Whitney, Donald S. 1991. Spiritual Disciplines for the Christian Life. Colorado, Navpress   Pp 115-117

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top