Tinawag Tayo sa Ating Trabaho

0
photo (2)

Ang ating mga trabaho ay hindi lamang isang gawain. Ito ay isang bokasyon kung saan tayo ay tinawag ng Dios. Sinabi ni Calvin na sa bawa isa ay itinalaga ang isang partikular na gawain. Ang Dios ang tumatawag kung kaya’t itinatatwa nito ang opinyon na ang ating trabaho ay dala ng pagkakataon, o dahil sa kagustuhan ng tao. Kung ang Dios ang tumatawag sa ating mga trabaho, nais ng Dios na mag-trabaho ang tao. Malinaw ang utos na ito sa paglikha pa lamang. Kaya’t ang pagiging tamad, at ayaw mag-trabaho ay taliwas sa utos ng Dios.

Ang ating trabaho ay mula sa Dios. Makikita natin ang gawa ng probidensya ng Dios sa pagkakaroon natin ng trabaho. Siya rin ang nagbibigay ng kailangang galing at talento sa pag-ganap ng ating trabaho.

Sa pag-tatrabaho, sinusunod natin ang Dios. Ito ang pananaw ng mga Reformers. Ayon kay Luther, hindi tumitingin ang Dios sa uri ng gawain kundi sa puso na naglilingkod sa Kanya sa pamamagitan ng kanyang gawain.

Kaya nga, ang ating mga gawain ay daan kung saan ating nabibigyang lualhati ang Dios. Sa konsepto na tinatawag tayo ng Dios sa ating mga trabaho, tinatanggal dito ang kalimitang pagbibigay halaga sa uri ng trabaho, suweldo, posisyon o karangalang nakakabit dito. Ang ikinagaganda ng isang trabaho ay pagkakaroon ng pagkakataon na makapaglingkod sa tao,hindi para sa sariling pag-unlad lamang. Hindi masamang hangarin ang pag-unlad at pagiging matagumpay, subalit hindi ito ang sukdulang motibasyon sa pag-tatrabaho.

Kung kumbinsido tayo na tayo ay tinawag ng Dios sa ating trabaho ano man ito, magkakaroon tayo ng kontentong puso. Ang sabi ni Cotton Mather “Ang pagiging kontento kahit na sa kahirapan ng trabaho ay pagbibigay pugay sa Dios na nagtalaga sa atin sa gawaing iyon.” Magbibigay din ito ng motibasyon sa matapat at masipag na paglilingkod.

Nakapaloob din dito ang realidad na mayroon tayong pagkakataon na maglingkod sa Dios kahit hindi sa loob ng Iglesia, sapagkat nabibigyan natin ng lugod ang Dios sa matapat nating pagtatrabaho. Hindi lamang tayo Kristiano na nagtatarabaho kundi ang ating mismong trabaho ay dapat nagpapatotoo tungkol sa ating pagkakristiano. Ito ay isang masamyong pagsamba sa Dios.

Mula sa: Work and Liesure in Christian Perspective. Leland Ryken. (1987). Intervarsity Press.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top