Pananalangin (unang bahagi)

0

photo 2

Ang pananalangin ay isang pinakamahalagang bagay sa buhay ng isang Kristiano. Mahalaga ang pag-aaral ng Salita ng Dios, ang pagdalo sa mga serbisyo ng Iglesia at ang pakikibahagi sa Huling Hapunan. Subalit ang mas mahalaga sa lahat ng ito  ay ang personal na pananalangin, bagamat dapat ay ginagawa rin ng tapat ang mga nabanggit. May pitong dahilan kung bakit ang pananalangin ay siyang pinakamahalaga sa buhay-Kristiano.

Una, ang pananalangin ay kailangan sa kaligtasan. Walang kaligtasan kung walang panalangin. Tandaan lamang na hindi nakakapagligtas ang panalangin, ngunit ang hindi nananalangin ay hindi maliligtas. Hindi magagawa para sa iyo ng ibang tao ang kumain, uminom at matulog upang ikaw ay mabuhay. Gayon din, hindi maaring magsisi at manampalataya ang ibang tao para sa iyo. Upang makamtan ang kaligtasan, ikaw mismo ang dapat dumulog sa Dios sa panalangin.  Hindi tayo mabubuhay kung hindi tayo hihinga, gayon din naman walang masasabing pananampalataya kay Kristo kung walang pananalangin. Nakikilala natin ang ibang tao sa pakikipag-usap sa kanila. At hindi natin makikilala ang Dios kung hindi tayo manalangin. Kung hindi tayo kilala ng Dios, wala tayong kaligtasan sa kapahamakan na tiyak  na darating.

Ikalawa. Ang pananalangin ay marka ng pagiging tunay na Kristiano.   Tinatawagan nila ang Ama. (I Pedro 1:17) Samantalang ang mga masama ay “…hindi tumatawag sa Panginoon” (Awit 14:4). Kung ang bagong silang na bata ay umiiyak, gayon din ang isang bagong nilalang kay Kristo ay mananalangin.

Iba’t-iba ang pag-kilos ng Dios sa buhay ng mga Kristianong  matatapat sa pananampalataya noon at sa kasalukuyan. Ngunit nagkakapare-pareho sila sa isang katangian:  lahat sila ay laging nananalangin.  Ang pananalanging ito ay hindi paimbabaw, kundi taos sa puso. Maaring ang isang tao ay mangaral, magsulat ng libro at gumawa ng maraming kahanga-hangang bagay na may maling motibo. Ngunit hindi maaring maupo, manalangin at ibuhos ang kabigatan ng  kalooban sa Dios kung nagpapakitatang-tao  lamang.  Ang Dios ang nagsabi kung ano ang palatandaan ng isang Kristiano, nang  isinalarawan ng Dios si Pablo kay Ananias, “ …Sa sandaling ito’y nananalangin siya.”  (Gawa 9:11)

Ang  panalangin na nagmumula sa pusong nakikita ang kanyang kawalan, kasamaan, kahinaan at pagiging depende sa Dios ay may malaking magagawa sa paglago sa pananampalataya.

 

Walking with God by J.C. Ryle. Grace Publication Trust. Pp 30-33

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top