Nasaan si Kristo sa Pagdiriwang ng Pasko?
0Malapit na ang Pasko. Siksikan sa mga Malls at pamilihan. Excited ang mga bata sa kanilang bagong damit. Kahit mahirap kumita ng pera, pipilitin ni Nanay na kahit papaano ay may bagong damit si Junior o Nene. Maringal at maliwanag ang paligid dahil sa samot-saring palamuti. Kahit ang isang buong gusali ay naliligiran ng Christmas lights. Pagandahan at pataasan ang Christmas tree. Lumalabas ang pagiging malikhain ng mga Pilipino sa mga bagong estilo kung papaano ipapahayag ang diwa ng Pasko.
Kabi-kabila ang Christmas party. Kainan,, kasiyahan sa lahat ng dako. Mabenta ang mga gift wrappers at ang mga gift shops ay puno ng last minute shopping para sa exchange gifts at pambigay sa Kris kringle. Maganda ang negosyo at kalakalan kung pasko, at syempbre Mas malaki ang kita.
Mataas ang patas ng Queso de Bola sa mga palengke. Sa isang tabi ay naroon naman ang mga nagtitinda ng ham. Mabili ang gatas condensada, ang pangunahing sangkap sa pag-gawa ng leche flan at fruit salad. Ang castanas ay mabibili na rin at mas marami ang tindang prutas sa pamilihan.
Subalit nasaan si Kristo sa lahat ng paghahandang ito?
Nakakalungkot na naging panlabas na lamang ang pagdiriwang ng Pasko ng karamihan, Maaring marinig ang Kanyang pangalan at ang Kanyang ginawang pagliligtas sa mga awit at dula-dulaang pampasko, subalit ito ay hungkag at hindi pumupukaw ng damdamin. At lalong hindi nagbibigay ng dahilan na lumapit sa Dios at magsisi sa mga kasalanan.
Si Kristo ay Dios. Siya ang kasama ng Ama bago pa man nillikha ang sanlibutan. Subalit Siya ay nagpakababa upang maabot Niya ang maruming tulad natin at ilapit tayo sa Dios. Ang pagsilang Niya sa sabsaban ang simula ng Kanyang misyon ng pagliligtas sa makasalanan. Ang Kapaskuhan ay tungkol kay Kristo. Ang Kanyang kagandahan at kadakilaan ang dapat nating pagbulay-bulayan ngayong araw ng Pasko. Pasasalamat sa Dios ang dapat nating tugon sa Kanyang dakilang pagliligtas. Ito ang tamang pagdiriwang sa araw ng Pasko.
Mula sa A Chronicle of God’s Faithfulness. Haydee Lasco