“Sumunod Ka sa Akin”

0

 

Walking and biking trail in Amherst, Mass.

Makatwiran ang kahilingan ng isang disipulo kay Hesus. “Panginoon, tulutan Mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.” Ngunit hindi siya pinayagan ni Hesus, sa halip ay Kanyang sinabi, “Sumunod ka sa Akin; at pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling patay.”

Ipinapakita dito ni Hesus na dapat nating bigyan ng importansya ang pagsunod at relasyon sa Dios kaysa sa mga relasyon at kaabalahan dito sa lupa. Mabuting ipaubaya ang paggawa ng makalupang bagay sa mga taong dito kumukuha ng kasiyahan at pagiging ganap. Ngunit ang mga Kristiano ay inatasan ng Dios ng kanya-kanyang gawain at hindi ito dapat napipigilan ng makalupang kaabalahan. Maraming Kristiano ang nahahadlangan sa paggawa ng dakilang bagay para sa kaharian ng Dios dahil sa iba’t-ibang dahilan na sa kanilang tingin ay mas mahalaga.

Ang paglilingkod sa magulang ay mabuti at nararapat subalit hindi dapat mangibabaw sa relasyon sa Dios. Ang mga Nazareno sa Lumang Tipan ay hindi pinahihintulutan na magluksa para sa kanilang magulang sapagkat sila ay banal sa Panginoon (Bilang 6:6-8). Ang mga punong-pari man ay hindi dapat dungisan ang sarili sa pagharap sa isang namatay, kahit pa ito ay kanyang ama (Levitico 21:11).

Hindi ibig sabihin na isasangtabi na lamang ng isang Kristiano ang kanyang tungkulin at relasyon. Ipinapakita lamang dito na dapat ay mas mahalaga at mas minamahal natin si Hesus kaysa sa sino pa man o ano pa man dito sa lupa. Hindi rin dapat makahadlang ang mga ito sa paglilingkod at paglago sa relasyon sa Dios (Lucas 14:26).

Maraming makatuwirang bagay ang maaaring maging dahilan upang ipagpaliban o hadlangan ang gawain ng paglilingkod. Subalit kung itatalaga natin ang sarili sa Dios upang makapaglingkod, Siya rin ang hahawi ng daan para sa katuparan nito. Kung ganito ang ating pananaw, mas marami at mas malawak ang ating maaabot para sa Panginoon.

 

Mula kay Matthew Henry, E-Sword

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top