Si Kristo ang Pundasyon ng Iglesia

0

IMG_4134[1]
Ang mundo at lahat ng narito ay pag-aari ng Diyos. Subalit ang Iglesia ay piling kalipunan ng mga tao na may magandang relasyon sa Diyos dahil sa pagliligtas ni Kristo. Ang Iglesia ay templo na ang nagtayo ay si Kristo (Zacarias 6:11-13). Ang saligan ay Batong subok, matatag, at hindi igugupo ng panahon (Isaias 28:16). Ang Batong ito ay mataas at hindi kapantay ng mundo. Ang Iglesia ay mahalaga sapagkat sa kanya nasasalamin ang imahen ng Panginoong Hesu-Kristo.

Sa pagkilos ng Banal na Ispiritu, at sa pagpapahayag ng Salita, si Kristo ay nagdadagdag ng mga batong buhay na sangkap ng templong ispirituwal (I Pedro 2:5). Kaaliwan na malaman na si Kristo, sa Kanyang banal na karunungan at kapangyarihan ang Siyang nagtatag at nagpapanatili ng Iglesia.

Mahalaga ang pangakong ito sapagkat ang demonyo at kapamahalaan nito ay masigasig na kumikilos upang wasakin ang Iglesia. Sinasalungat nila ang Ebanghelyo, pinag-uusig ang mga lingkod at ang matatapat na anak ng Diyos. Binabaluktot nila ang katotohanan at hinihimok ang mananampalataya na lumayo sa dalisay na turo ng Biblia. Ang layunin ng demonyo ay ibagsak ang Kristianismo dito sa lupa.

Ngunit ipinangako ni Kristo ang pag-iingat at pagpapanatili ng Iglesia. “Ang pintuan ng Hades ay hindi makakapanaig laban sa kanya” (Mateo 16:18).Habang ang mundo ay nakatayo, ang Iglesia ay tatayo kasabay nito. Ang katotohanan at ordinansya ay magpapatuloy sa gitna ng pagsalungat ng kapangyarihan ng kadiliman (Mga Awit 129:1-2). Ngunit lubos na kaligayahan ng isang mananampalataya na makabilang sa piling bayan ng Diyos—ang Iglesia ng Panginoong Hesu-Kristo.
Hango sa Komentaryo ni Matthew Henry sa Mateo 16:18

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top