Pagpapakababa
0Ano ang pakinabang ng isang pantas sa kanyang kaalaman, kung wala naman siyang takot sa Dios? Ano ang pakinabang ng lahat ng bagay sa lupa sa pagharap sa Dios na huhusga sa lahat ng gawa ng tao? Mas mabuti pa ang hamak na alipin na naglilingkod sa Dios kaysa sa isang mapagmataas na dalubhasa. Ang taong tunay na nakakilala sa sarili ay hindi kailanman magmamalaki o maghahangad ng papuri ng tao dahil alam niya ang kasamaan ng kanyang puso.
Dito sa lupa, maraming bagay na maaaring pag-aralan, subalit walang pakinabang na naidudulot sa kaluluwa. Kaya hindi dapat maging lubhang abala sa paghanap ng kaalaman dito sa lupa dahil ito ay mapandaya. Ilalayo nito ang puso sa kaalaman tungkol sa Dios. Huwag tayong matulad sa mga dalubhasang ibinigay ang buhay sa pagsasaliksik sa mga bagay katulad ng bituin, isda, hayop, insekto, atbp. ngunit nakaligtaan ang tunay na mahalaga para sa kanyang kaluluwa. Hindi ba’t kung tutuusin, sila ay mangmang sa harapan ng Dios? Ngunit ang mabuhay sa katuwiran ng Dios ay nagbibigay kaginhawahan ng isip at ang malinis na konsiensya ay nagbibigay ng kasiguraduhan sa buhay dito sa lupa.
Mas malaki ang ipagsusulit ng taong maraming alam. Matindi rin ang kaparusahang kanyang tatanggapin maliban kung nabuhay siya sa katuwiran ng Dios. Kung tutuusin, ang taong nag-iisip na marami siyang alam ay hindi dapat magmalaki sapagkat mas marami ang hindi pa niya alam.
Kung nais nating malaman ang tunay na may pakinabang, huwag nating itaas ang ating sarili. Ang mas may pakinabang ay ang taong hinuhusgahan ang sarili ng may kababaang loob. Ang mababang pagtingin sa sarili, at mataas na pagpapahalaga sa iba ay dakila at lubos na karunungan.
At kung makita man natin na nagkakasala ang iba, huwag nating ipalagay na tayo ay mas mabuti sapagkat hindi natin alam kung hanggang kailan natin mapapanatili ang ating integridad. Lahat tayo ay mahina at madaling mahila sa kasalanan. Isang karunungan na isipin na walang mas mahina kundi ang ating sarili.
Mula sa The Imitation of Christ ni Thomas ‘A Kempis. Abridged and updated. Barbour Publishing Inc., Ohio.