Purihin ang Diyos Sa Salita at Gawa
0Ang gawain sa Providence Bible Church sa Tayabas Quezon ay bunga ng pagpapagal ng matatapat na lingkod ng Dios. Tunay na mabangong samyo sa harapan ng Dios.
Kakaiba ang tao sa lahat ng nilikha ng Dios sapagkat tayo ay Kanyang hinulma at hiningahan ng buhay. Ginawa tayo ayon sa Kanyang larawan kayat nararapat tayong magbigay ng pagpupuri sa dakilang Lumikha. Ngunit mas dapat na marinig ang mainit at walang patid na papuri sa Diyos sa bibig ng mga Kristiano. Sa Hebreo 13:15, hinihimok ang mga mananampalataya na maghandog, hindi ng mga hayop, kundi mga bunga ng ating bibig – mga katagang nagtataas at nagpapakilala sa kadakilaan ng Diyos. Ang pagpupuri ay naipapakita din sa pag-awit. Ayon kay Spurgeon, nang nagkaroon ng repormasyon, kahit ang mga magsasaka ay umaawit ng mga kathang-awit ni Martin Luther. Tunay na ang puso na puspos ni Kristo ay nakikita sa ating pag-awit. Kaya’t itaas ang boses sa pag-pupuri, at gawing mas malakas pa kaysa mga makamundong awit ng hindi mananampalataya.
Nagbibigay din tayo ng papuri sa Dios sa pananalangin. Dito, kinakausap natin ang Diyos, nagpapasalamat at umaasa sa Kanyang kabutihan. Ang oras ng pananalangin ay dapat kinasasabikan ang mga Kristiano. Ito ay mabangong samyo sa Kanyang harapan.
Sa Hebreo 13:16 ay sinasabi na dapat din nating purihin ang Dios sa gawa ng paglilingkod. Ang mga Kristiano ay dapat mayaman sa mabubuting gawa, sa pagtulong at pagiging sensitibo sa pangangailangan ng iba. Ang Iglesia na nabanggit sa Mga Gawa 2:45 ay nagpakita ng magandang halimbawa nang sila ay nagbebenta ng kanilang ari-arian para itulong sa iba.
Sir Robert Grant ay kilala bilang isang congressman na naglingkod na mabuti sa pagtataguyod ng karapatan at pangangailangan ng mahihirap at inaapi. Matapat din siya bilang isang mananampalataya. Pinapurihan ni Grant ang Diyos hindi lamang sa gawa kundi gayon din sa pag-awit. Siya ang kumatha ng popular na himno na,“O Worship The King”.
Anuman ang ating kalagayan, ang ating pagpupuri sa Diyos, sa salita at gawa ay laging kalugod-lugod sa Kanya. Magagawa natin ito dahil lamang sa tinapos na gawa ni Kristo para sa bayan ng Diyos.
Pina-ikling mensahe ni Pastor Rodel D. Lasco, Vesper Service, November 6, 2016. Trinity Bible Church.