Pinagpalang Bayan
0Ano pa hahanapin ng bayan ng Diyos? Tayo ay nakatanggap ng Kanyang hindi masukat na pagmamahal. Mula pa ng hindi maarok na simula ay inibig na tayo ng Diyos. Walang mabuti o ni katiting man na kagandahan sa atin, subalit tayo ay kinalugdan ng Diyos. Isinugo Niya ang Kanyang Anak, si Kristo-Hesus upang magbayad ng ating mga kasalanan. At sa malupit na kamatayan sa Krus, iniaalay Niya ang Kanyang buhay upang tayong marumi at hindi karapat-dapat ay mailapit muli sa Diyos, at maging karapat-dapat na mamamayan ng Langit.
Dahil din sa pagmamahal na yan, tayo ay may kaligtasan sa lahat ng panganib. Nakikita ng Diyos ang mga nakaambang kaaway at tayo ay Kanyang iingatan. Maaring nararamdaman natin ang mga dagok at pasakit na dulot ng pakikibaka sa buhay, subalit ang mga ito ay kontrolado ng Diyos, na para bang isang thermostat na akma ang lamiz at init para sa ating kalagayan.
Kaya’t maaari tayong magtiwala ng lubusan. Maaring ibigay natin ang lahat ng ating kabagabagan sa Kanya, at huwag maligalig, mabigat man ang hamon ng buhay. Nagtagumpay na si Kristo sa kaaway ng ating kaluluwa. Ang bumabagabag na lamang sa atin ay ang ungol ng Leon, subalit inalis na ni Kristo ang matatalas na ngipin nito.
Si Kristo ang ating kalasag, maaari tayong mangalong sa Kanya. At Kanyang gagapiin ang lahat ng kaaway ng ating kaluluwa.
Huwag mabalisa sa anumang panganib at balakid sa buhay. Ang Diyos ang Syang kasama sa lahat ng pakikipabaka. Siya rin ang magbibigay ng hindi mapantayang kaaliwan. Kaya’t masasabi natin na tayo ay naglalakbay ng may kagalakan sa makipot na daan, dahil hawak ng Diyos ang ating mga kamay.
Subalit ano naman ang karampatang sukli sa kabutihan ng Diyos sa atin? Hindi man kayang suklian ang Kanyang dakilang gawa, subalit kinalulugdan ng Diyos ang ating katapatan. Katapatan, kasipagan, pagtitiwala, naghihintay ng may pag-asa. Ito ang ating karampatang handog sa Diyos na nagmahal sa atin.