Pinagaling ang Pipi na Inaalihan ng Demonyo
0Katatapos pa lamang pagalingin ni Hesus ang dalawang bulag at dumadating naman ang pangkat na kasama ang pipi na humihiling din ng kagalingan. Walang pagod ang Panginoong Hesus sa pag-gawa ng mabuti. Na kay Hesus ang balon ng masaganang biyaya na walang kaubusan, kahit ito ay walang tigil na ipinamamahagi.
Ang pipi ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng demonyo. Maihahalintu-lad ito sa mga wala kay Kristo, ang naghahari sa kanilang puso ay ang dikta ng demonyo. Sila’y pipi sa pananalangin at pagpupuri sa Dios.
Hindi nagkusang lumapit ang pipi kay Hesus dahil sa kapangyarihan ng demonyo sa kanya. Subalit dinala siya kay Hesus ng mga sumasampalataya sa Kanya at nakasumpung din ang pipi ng kagalingan. Ito ay paghimok sa mga Kristiano na ang ginagawang hakbang at pananalangin upang mailapit sa Panginoon ang mga mahal natin sa buhay ay dinidinig ng Panginoon.
Dagliang lumayas ang demonyo sa utos ni Hesus. Lubos ang pagpapagaling ni Kristo at nakasentro sa ugat ng kasalanan. Nang mapalayas ang demonyo, agad na nakapagsalita ang pipi. Gaya rin ni Pablo, nang nanampalataya siya ay “nasumpungang nananalangin.”
Dahil sa pagpapagaling na ito, namangha ang karamihan, “Walang pang nakitang ganito sa Israel”. Kakaunti man ang naniwala, subalit marami ang namangha. Nang walang masabing argumento ang mga Fareseo sa milagrong ito, kanilang sinabi, “Nagpapa-layas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng mga demonyo” (Mateo 9:32) . Ito ay paglapastangan sa Dios at hindi katanggap-tanggap. Patotoo na “ang mga masasamang tao ay pasama ng pasama. (2Tim 3:13).
Ang mga puna nila kay Hesus, katulad ng “nagpapatawad sa kasalanan” (Mateo 9:3) “nakikisalamuha sa mga masasama” (Mat 9:11) at “hindi nag-aayuno” (Matt 9:14) ay pawang panlilibak, subalit may bahid ng pagiging relihiyoso. Subalit nang sinabi nilang si Hesus ay nagpapagaling sa pamamagitan ng Demonyo , ito ay sukdulang kasamaan, pagkasuklam, makademonyo, at walang kapatawaran. Dahil sa ang mga tao ay namangya, kailangan nilang pababawin ang milagro, at ito ang namutawi sa kanilang labi. Ganito ang puso ng mga wala kay Kristo.
Mula sa komentaryo ni Matthew Henry sa Mateo 10:32-34