Pangkaraniwan

0

Ang tao ay madaling mamangha sa mga bagay na kakaiba o di kapani-paniwala. Halimbawa, madali nating mapansin ang kakaibang lakas ng bagyo, nakasisindak na balita o ang kakaibang damit o hairstyle. Subali’t  ang mga pangkaraniwang nakikita sa pang-araw-araw bagama’t sadyang kahanga-hanga ay hindi napapansin. 

 Kaya nga hindi tayo titigil upang masdan ang mga bulaklak sa daan, gaano man kaganda, o mamangha sa kagandahan ng langit sa pagsikat at paglubog ng araw. Sa atin, yan ay pangkaraniwan na lamang.

 Nangyayari din ito sa ating mga relasyon. Hindi maalala ang isang kamag-anak, maliban na siya ay magkasakit ng malubha o pumanaw. Hindi bibigyan ng bulaklak si Misis, kung hindi naman niya kaarawan. Hindi tatawagan sa telepono ang isang kaibigan upang kumustahin, Hindi bibisitahin ang matatanda, kung wala namang espesyal na okasyon.

Isang pangkaraniwang umaga, gumawa kami ng Choco Chip cookies ng aking pamangkin. Hinayaan ko siyang mag-halo at mag-lagay ng dough sa tray. Nakita ko ang kakaibang tuwa sa bata. Ano rin kaya ang reaksyon ni Misis kung sa isang ordinaryong araw ay inabutan natin siya ng isang dosenang roses. O, binigyan naman natin si Mister ng simpleng regalo kahit hindi niya birthday.

 Kay bilis lumipas ang mga araw. Mas magiging masaya ang buhay kung magbigay tayo ng panahon sa mga bagay na “pangkaraniwan” upang ito ay maging “hindi pangkaraniwan”. 

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top