Panahon Sa Ating Buhay
0Tayo ay tinawag ng Dios na lumakad sa makipot na daan. Sa paglakad na ito, hindi sapat na alam natin ang katotohanan. Mahalaga na alam natin kung paano lumakad ng may karunungan upang huwag manatili sa daan na ito. Ganito ang bilin ni Pablo, “Kaya’t mag-ingat kayo sa inyong paglakad, hindi gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong na sinasamantala ang panahon sapagkat ang mga araw ay masasama.” (Efeso 5:15-16).
Ang kainos ay mga pagkakataon sa ating buhay. Kahalintulad ito sa pintuang bumubukas sa sandaling panahon, na agad nagsasara at hindi na magbubukas pa. Kagaya ng isang ama o ina na may mga anak, ang oportunidad na makasama at maibahagi ang makadios na impluwensya sa kanila ay limitado sa saglit na panahon. Hindi na muling babalik ang oportunidad na sila ay mga bata pa, na may malambot na puso upang hubugin. Sila ay mag-iiba limang taon mula ngayon. Sinasabi ni Pablo na “samantalahin ang panahon”. Ang mas malapit na kahulugan ay “bilhin” mo na ngayon dahil bukas ay wala na. Nagpapahayag ito ng pagmamadali, at hindi nagdadalawang-isip sa pagtupad ng mga gawain na iniatang ng Dios.
Alam ni Hesus na ang araw ay unti-unting lumulubog sa Kanyang buhay sa lupa, at ang anino ng Krus ay nababanaag na Niya. Kaya’t Kanyang sinabi, “Kailangan nating gawin ang mga gawa niyong nagsugo sa akin samantalang araw pa. Dumarating ang gabi na walang taong makagagawa.” (Juan 9:4).
Para sa mga wala pa kay Kristo, ngayon ang araw ng kaligtasan. Manampalataya ka sa Kanya ngayon. Huwag mong isipin na may bukas pang darating.
Para sa mga Kristiano, mahalaga na samantalahin natin ang lumilipas na pagkakataon sa ating buhay sapagkat ang panahon ay masama. Ang kaaway ay nakaabang. Ilagay natin ang ating mga kamay sa araro at gawing matapat ang iniatang na tungkulin habang may pagkakataon. Matutulad tayo sa mga mangmang kung ating sayangin ang mahalagang pagkakataon sa bawat bahagi ng ating mga buhay. Samantalahin natin ang panahon at unawain ang kalooban ng Dios. Ganito ang matalinong paglakad sa makipot na daan.
Mula sa Sermon ni Dr. Steven Lawson. Resolve of Jonathan Edwards. Sermon Audio