Pagtatanim ng Salita ng Dios
0Naglalakad sa bukid ang dalawang magkapatid nang makita nila ang isang maliit na puno na hitik na hitik sa masasarap na bunga. Masaya nilang pinitas ang mga prutas at kumain hanggang sila’y mabusog. Nang sila’y pauwi na, pinitas ng unang kapatid ang natitira pang bunga upang iuwi, samantalang binunot ng ikalawa ang maliit na puno upang itanim sa kanyang lupa. Hindi nagtagal, naubos ang iniuwing prutas ng unang kapatid. Lumaki at naging malusog naman ang itinanim na puno ng ikalawang kapatid. Ito ay namunga ng mas marami pang prutas at ito ay naging kagalakan niya sa bawat araw.
Ang Biblia ay ang maliit na bungang-kahoy sa kwento. Ang simpleng pakikinig o pagbabasa ng Salita ng Dios ay maihahalintulad sa unang kapatid. Maaari tayong mamitas ng marami at magalak sa bunga nito hanggang mayroon, ngunit mas mabuti kung mayroon tayong sariling puno na laging nagbibigay sa atin ng walang patid na bunga.
Sa pamamagitan ng disiplina ng pagbabasa, pag-aaral at pagsasaulo ng Salita ng Dios, inaangkin natin ang Salita at patuloy tayong magagalak sa bunga nito sa ating puso. Ngunit maraming Kristiano ang ayaw magsaulo ng Salita ng Dios. Marahil ito ay kanilang naihahalintulad sa pagmememorya sa eskwela na nakakabagot at walang masyadong gamit sa buhay. At siempre pa, malimit na dahilan ay ang mapurol na isip sa pagsasaulo. Ngunit kung may magbigay ng P50.00 pesos sa isang Bible verse na nasaulo, tiyak na magiging popular ang pagsasaulo ng Bible verses. Nakakalungkot na kung ang motibasyon ay pagkita ng pera, marami ang gagawa nito. Subalit kung ispiritwal na pakinabang ang pag-uusapan, walang papansin dito. Maraming mga Kristiano ay tinatamad na magsaulo ng Salita ng Dios.
Hinahamon tayo na magmemorya ng Salita ng Dios. Ang yaman sa lupa na matiyagang iniipon ay nabubulok, nasisira at hindi maaaring madala sa kamatayan. Subalit ang Salitang iniimbak sa puso, gaya ng punong itinanim, ay yayabong, magbubunga (ng mga ispiritwal na bunga) at may pakinabang na pangwalang-hanggan. Malaki ang maitutulong ng pagsasaulo ng Salita ng Dios sa paglago sa pananampalataya, pag-iwas sa tukso, at sa pagbabahagi ng Ebanghelyo. Hindi mahirap magmemorya ng Salita ng Dios kung nanaisin lamang natin. Ang biyaya ng Dios ang magpapatalas sa ating mapurol na isip upang mataniman ng mabungang puno ng Salita ng Dios.
Mula sa Spiritual Disciplines for the Christian Life ni Donald S. Whitney. 1991. NavPress