Pagsamba sa Ispiritu at Katotohanan
0Sa Juan 4:23-24 ay mababasa ang basihan ng tamang pagsamba na nakalulugod sa Dios. “Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa Ispiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”
Upang makasamba sa Ispiritu at katotohanan, dapat ay nasa puso natin ang Banal na Ispiritu, na Siyang Ispiritu at katotohanan. (Jn 14:17). Siya ay nananahan sa puso ng taong nagsisi at nanampalataya kay Kristo. Ang tunay na pagsamba ay mula sa paghimok ng Banal na Ispiritu.
Subalit kahit na ang Banal na Ispiritu ay nasa ating puso, may mga panahon na hindi tayo makasamba sa Ispiritu dahil sa panlalamig ng puso. Malinaw na kung wala ang pagkilos ng Banal na Ispiritu, walang tunay na pagsamba. Ang pagsamba sa Ispiritu ay nagbubuhat sa pusong taimtim na kumikilala sa pagkadios ng Dios. Gaano man kaganda ng pag-awit at lalim ng panalangin, kung hindi taimtim sa puso, ito ay pakitang-tao at kamuhi-muhi sa Dios.
Kung ang isang asawang babae ay binigyan ng kanyang mister ng isang bouquet ng Roses, siya ay labis na magagalak. Ngunit kung sabihin ng lalaki na ginawa niya ito dahil ito’y tungkulin, ang babae ay malulungkot sapagkat mararamdaman niya na hindi pala siya kaibig-ibig upang bigyan ng roses na ayon sa pagmamahal.
Kung ang pag-ganap ng pagsamba ay dahil lamang sa ito ay katungkulan, ito ay kawalan ng pagpapahalaga sa Dios. Ipinapakita natin na hindi kaibig-ibig ang Dios at napipilitan lamang tayo sa ating pagsamba. Ang nais ng Dios ay pagsamba na nagagalak ang puso. “Magalak kayo sa Panginoon” – (Awit 37:4). Ang pusong masaya sa pag-samba ay itinataas at dinadakila ang Dios.
Isinalin sa Filipino mula sa aklat ni Whitney, Donald S. 1991. Spiritual Disciplines for the Christian Life. Colorado Springs. Navpress, pp 83-84.