Pagpipigil sa Sarili

0
IMG_5248

Ang demonyo ay walang tigil na nagmamatyag upang dalhin ang tao sa pagkakasala. Kung walang pagpipigil sa sarili (disiplina) madaling mahulog ang tao sa kasalanan. Ang pagpipigil sa sarili ay isang matibay na depensa laban sa gawang masama. Ito ay matatag na bakod na magtataboy sa kaaway.

Ang pagpipigil sa sarili ay ang mabuting pamamahala sa mga nais ng laman, emosyon, kaisipan at pananalita. Ito ay kailangan sapagkat ang tao ay nakahilig sa kalabisan (Kahit ang bagay na mabuti, kung labis ay nagiging masama rin). Gayon din, sa ating puso mismo nakatira ang masasamang pita ng laman. At dahil kakampi ng ating sarili ang kaaway, nagiging napakalakas ang pwersa nito upang tayo ay tuksuhin at dalhin sa pagkakasala.

Ang mabuting pamamahala ng sarili ay kailangan sa pagpipigil sa sarili. Ito ay ang mabuting pagpapasya kung ano ang dapat at hindi dapat gawin. Tinutukoy din nito ang hangganan o kasapatan ng mga bagay na nais nating gawin (pagkain, sports, hobbies, atbp).

Ang mabuting pamamahala sa sarili ay ang pag-uutos sa sarili na gawin ang tama at iwasan ang mali. Halimbawa, maraming hadlang upang magbasa ng Biblia. Ngunit dapat utusan ang sarili, “Maupo ka at magbasa ka ng Biblia!” gaya din naman ng ginagawa ni Pablo “Ngunit sinusupil ko ang aking katawan at ginagawa ko itong alipin.” (I Corinto 9:27a). Mahalaga na sumasailalim o sumusunod ang katawan sa mabuting dikta ng kalooban. Ngunit hindi sapat ang mabuting pagpapasya. Kailangan din ng “lakas o tibay ng kalooban” upang maisagawa ang tamang pagpapasya. Matibay man ang pagnanais ng isang tao na huwag kumain ng sobra, ngunit kung walang lakas ng loob na gawin ito sa harap ng masasarap na putahe, walang bisa ang mabuting pagpapasya, at wala rin ang pagpipigil sa sarili.

Kaya’t ang pagpipigil sa sarili ay ang pagkakaroon ng mabuting pagpapasya at lakas ng kalooban upang gawin, isipin, at sabihin ang mga bagay na kasiya-siya sa Dios. Lahat ng Kristiano ay dapat magsanay dito upang hindi madaya ng kasalanan.

 

Mula sa The Practice of Holiness ni Jerry Bridges. 1983

 

 

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top