Pagmamatyag sa Ating Puso
0Nakasalalay sa maingat at matalinong pamamahala ng “control room” ang pag-iwas sa panganib at mga kaaway ng isang “war submarine.” Araw-araw, ang kapitan ng barko ay gumagawa ng “routine check-up” upang siguraduhin na maayos ang kalagayan ng submarine. Kung may nagbabantang panganib, hindi nababahala ang kapitan dahil alam niya na ang lahat ay may kaayusan.
Ang maraming aksidente sa mga sasakyan at pagawaan ay dulot ng nakaligtaan o hindi maingat na “routine check-up.” Ganoon din sa buhay ng tao. Kung hindi maganda ang pamamahala sa ating puso, maaaring magkaroon ng kaguluhan, pagkabagot, panlalamig at pagkawasak ng buhay.
Gumagawa ang tao ng iba’t-ibang paraan upang bigyang solusyon ang mga problema. Subalit nakakaligtaang siyasatin ang kanilang mga puso. Ang mga katuruan ng Biblia ay nakasentro sa pagsasaayos ng puso. Malinaw ang sinasabi sa Mga Kawikaan 4:23, “Ang iyong puso ay buong sikap mong ingatan, sapagkat mula dito’y dumadaloy ang mga bukal ng buhay.”
Paano maisasaayos ang kalagayan ng ating puso? Sa mga hindi Kristiano, kailangan nilang makita ang pangangailangan ng Tagapagligtas. Si Hesus ang nagbayad ng ating mga kasalanan at sinuman ang manampalataya sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas, magsisi sa mga kasalanan, at sumunod kay Kristo, ay magkakaroon ng kapatawaran at malinis na puso.
Para sa mga Kristiano, mahalaga ang masusing pagmamatyag sa kalagayan ng ating mga puso. Dapat itong ingatan laban sa impluwensya ng mundo. Bukod sa pagiging kasapi ng isang Iglesia, kailangan ang pag-aaral at pakikinig ng Salita ng Dios, pananalangin, fellowship, pagsunod sa utos ng Dios, atbp. Ang sigla sa buhay-Kristiano ay nasusukat sa disiplinadong pagganap ng mga nabanggit. Ang sabi sa Mga Taga-Roma 12:2, “Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng iyong pag-iisip upang mapatunayan ninyo kung ano ang mabuti, kasiya-siya at lubos na kalooban ng Dios.”
Sa ating buhay, pinakamahalaga ang kaayusan ng ating puso. Ang tunay na kagalakan at kapayapaan sa pangkasalukuyan at hinaharap ay nakabatay sa kaayusan ng ating mga puso. Gaya ng “routine check-up” ng kapitan ng “war submarine,” dapat nating siyasatin ang ating mga puso sa bawat araw upang siguraduhin na ang lahat ay may kaayusan. Ang araw-araw na pagbubulay-bulay sa Salita ng Dios ay mabuting paraan upang masiyasat natin ang ating mga puso at maitama ang kamalian na maaaring magdala sa atin sa kasamaan.
Hango sa Aklat na Ordering Your Private World ni Gordon MacDonald. 1985. Thomas Nelson Publishers.