Pagdurusa Alang-Alang sa Buhay na Walang Hanggan
0Nais ng Panginoon na hindi tayo manghina sa paglilingkod o panghinaan ng loob sa mga pagsubok na dumarating. Sa halip, dapat maging kalakasan natin ang Kanyang mga pangako. Ang Dios ang ating kasapatan at gantimpalang walang katapat. Sa sandaling panahon ang mga pagpapagal ay maglalaho at darating ang dakilang oras kung saan ang lahat ng kabigatan at kaguluhan ay magwawakas.
Kaya nga, maglingkod tayo ng tapat sa Kanyang ubasan. Ang Dios ang ating gantimpala. Magsulat, magbasa, umawit, umiyak, manalangin at batahin ang mga kabigatan ng may tapang. Ang katapat ng buhay na walang hanggan ay higit pa sa mga ito. Ang kapayapaan ay darating sa takdang oras na ang Dios lamang ang nakakaalam (Zacarias 14:7). Kasama nito ang walang hanggang liwanag at ang mapayapang kapahingahan.
“Kahabag-habag na tao ako. Sino ang magliligtas mula sa katawang ito ng kamatayan? (Mga Taga Roma 7:24). Anong saklap na kalagayan sa mga wala kay Kristo. Subalit sa sinumang yumakap kay Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas at nagsisi sa kanyang mga kasalanan, ang kamatayan ay wawasakin at ang kanilang kaligtasan ay tiyak. Matamis na buhay sa Kaharian ang Dios ang naghihintay sa kanya.
Kung makikita lamang natin ang mga koronang nagniningning ng mga Kristiano sa kalangitan; ang hindi masukat nilang katuwaan; sila na inalipusta at nagdusa nang sila ay nasa lupa pa, tiyak na nanaisin natin na hamakin at magpakababa dito sa lupa. Hindi na rin tayo maghahangad ng maalwang buhay, sa halip ay matutuwa pa tayong magdusa para sa pangalan ng Panginoon at angkining pakinabang ang maging hamak sa tingin ng tao.
Ano ang dahilan ng ating pagrereklamo? Hindi ba lahat ng kahirapan ay dapat dalhin alang-alang sa gantimpala na buhay na walang hanggan? Hindi maliit na bagay na mawala o mapasa-atin ang Kaharian ng Dios. Kaya’t itaas natin ang ating mga mukha sa kalangitan. Ang mga Kristianong naroon na ay labis na nagagalak, ligtas, payapa at kasama ni Hesus sa Kaharian ng Ama magpakailanman. Ito ang inspirasyon at kalakasan ng bawat Kristianong matapat na sumusunod at naglilingkod sa Dios.
Mula sa pinaikling aklat na The Imitation of Christ (Chapter 44). Bar