Pagdidisiplina ng Ating Pag-iisip

0

“Sinusugpo ko ang lahat ng pagmamataas laban sa Diyos, at binibihag ang lahat ng isipan upang tumalima kay Cristo.” (2 Corinto 10:5).

Ang pinakamabuting pamantayan sa pagpipigil ng masamang kaisipan ay ibinigay ni Pablo sa Filipos 4:8, “Sa wakas mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.”. Ang pagpipigil sa ating kaisipan ay hindi lamang pagtangging isipin ang mga bagay na mali, sa halip ito ay pag-iisip ng mga bagay na mabuti at kalulugod-lugod sa Dios.

Ito ang babala ni Solomon, “Ang isipan mo’y ingatang mabuti at alagaan, Pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong taglay.” (Kawikaan 4:23). Ang “puso” ay ang kabuoan ng ating emosyon, konsiensya at kalooban. Ang babalang ito ay mas may aplikasyon sa ating mga kalooban. Sapagkat sa ating iniisip nagmumula ang ating nararamdaman at iniisip at dito nag-uugat ang kaloobang masama na nagtutulak sa pagkakasala.

Ang ating mga isip ay parang isang “green house” kung saan ang maling kaisipan ay ipinupunla at pinapalaki. Kapag ito ay malaki na, ito ay inililipat sa taniman sa mundo, bilang isang kasalanan.

Hindi agad-agad nagkakasala ang tao. Ang masamang isip ay nilalaro at ninanamnam bago pa ito isagawa. Kaya nga, ang ating isip ang unang depensa sa pagpipigil sa sarili o disiplina. Ang pintuan ng ating isip ay ang ating mata at tainga. Ang ating mga nakikita at naririnig ang nagiging laman ng ating mga iniisip. Ang pag-iingat sa puso ay nagsisimula sa pagiging maingat sa ating naririnig at nakikita.

Bilang hamon, iwasan natin ang hindi kanais-nais na palabas sa telebisyon; babasahin o usapan na pupukaw ng ating makalamang pagnanasa. Hindi lamang ito dapat iwasan, kundi dapat na takasan. Ito ang payo ni Pablo kay Timoteo, “Kaya nga iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan…” (2 Timoteo 2:22). Makadios man si Timoteo, kailangan pa rin siyang paalalahanan na mag-pigil sa sarili.

Maari man nating pigilan ang gawang masama, subalit ang ating maling kaisipan ay malinaw na nakikita ng Diyos. Kaya’t ito sana ang ating panalangin. “Nawa’y itong salita ko at ang aking isipan, sa iyo ay makalugod, Panginoon ko’t kanlungan…” (19:14).

Mula sa aklat ni Jerry Bridges, The Practice of Godliness. 1987.Navpress

 

 

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top