Pagbubulay Tungkol sa Kamatayan
0Anong mabuting maidudulot ang mabuhay ng mahaba kung hindi naman bumubuti ang kalooban? Ang mahabang buhay ay hindi laging mabuti sa tao kung namumuhay siya na malayo sa Dios dahil nadadagdagan lamang ang kanyang kasalanan, at nadadagdagan din ang ipagsusulit niya sa Dios.
Maipamuhay sana natin ang bawat araw ng ating buhay na kapuri-puri sa Dios. Marami ang nagbibilang ng mga taon mula nang sila ay naging Kristiano, subalit salat naman ang bunga ng Ispiritu sa kanilang buhay. Totoong nakakatakot ang mamatay, subalit maaaring mas nakakatakot ang mabuhay ng mahaba na hindi kasama ang Dios.
Masaya ang taong marunong at nagsisikap na makamit ang bagay na mahalaga sa oras ng kanyang kamatayan. Ang pagkamuhi sa mundo, pagnanais na lumago sa mga bunga ng Ispiritu, pagdidisiplina sa sarili, kahandaan sa pagsunod, pagsisisi, pag-tangi sa sarili, pagpapailalim sa oras ng kahirapan dahil sa pag-ibig kay Kristo, ito ang mga katangian na magbibigay ng malaking pag-asa, kapayapaan at kagalakan sa oras ng kamatayan.
Habang tayo ay malakas, marami ang bukas na pintuan upang tayo ay maglingkod sa Dios at gumawa ng mabuti. Subalit sa oras ng karamdaman, maglalaho ang lakas upang maglingkod. Samantalahin natin ang ating buhay at kalakasan sa kasalukuyan. Ibigay natin ang bawat araw upang mabuhay ng para sa Dios, hindi para sa ating sarili.
Salin sa Filipino, Mula sa aklat ni Thomas ‘A Kempis. The Imitation of Christ. Abridged edition. Ohio: Barbour Publishing, Inc.