Pag-aaral Tungo sa Kabanalan
0Ang masiglang buhay-Kristiano ay nag-uugat sa pusong may init at liwanag ng Ispiritu. Ang apoy ay mamamatay kung walang pang-gatong. Gayon din, ang pusong hindi ginagatungan ng kaalaman ay manlalamig sa di kalaunan. Hindi kailangang tayo ay maging matalino at may mataas na pinag-aralan upang lumawak ang ating kaalaman sa mga ispiritwal na bagay. Ngunit dapat na tayo’y maging katulad ni Hesus, “na nakaupo sa gitna ng mga guro na nakikinig at nagtatanong sa kanila. Ang lahat ng nakikinig sa Kanya ay namangha sa Kanyang katalinuhan at sa Kanyang mga sagot” (Lukas 2:46-47) Ang pagsunod kay Kristo ay pagpapailalim sa disiplina ng pag-aaral.
Ang isang katangian ng matalinong lalaki o babae ay ang pagnanais na matuto (Kawikaan 9:9) at hinahanap ang kaalaman (Kawikaan 18:15). Sinabi ni Hesus na “ …Ibigin mo ang Panginoon Mong Dios ng buong pag-iisip mo” (Markos 12:29-30). Nilulualhati natin ang Dios kung ang isip na ibinigay Niya ay ginagamit natin upang kilalanin Siya. Nakakalungkot na maraming Kristiano ang hindi nagpapahalaga sa pag-aaral ng mga doktrina at teolohiya. Ang sabi ni R.C. Sproul, ginawa tayo ng Dios na magkakaugnay ang puso at isip, ang pag-iisip at kilos. Kung mas kilala natin ang Dios, mas mamahalin natin Siya. Upang siya ay maging sentro ng ating puso, dapat na maging sentro din Siya sa ating isipan. Ang malalim na kaisipan tungkol sa Dios at relihiyon ay lumilinang sa pagmamahal at pagsunod. Ang pagbabago ng kaisipan ay mahalaga sa kabanalan. Ang sabi sa Roma 12:2 “…magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip…”
Si Martyn Lloyd Jones ay nagpa-alala na ang mensahe ng Biblia ay nakasentro sa kaisipan at pang-unawa. Ang salita ng Dios ay dapat dumaan sa ating isip bago pa nito baguhin ang puso at buhay. Ang kawalan ng disiplina ng pag-aaral ang dahilan kung bakit mabagal ang pag-lago ng marami sa buhay-Kristiano. Marami pa rin ang bihag ng takot at pagkabalisa dahil ayaw nilang pailalim sa masusing pag-aaral ng Salita ng Dios. Maaring regular sila sa mga serbisyo, at masigasig sa kanilang tungkulin. Mainit silang umawit, at manalangin, subalit mabagal ang pagbabago. At dahil sa mababaw na pang-unawa madali din silang madala sa tukso at maling katuruan.
Malinaw sa Biblia na dapat tayong maging katulad ni Kristo. Ang pag-aaral ang susi upang mang-yari ito. Kung kulang ang ating pagmamahal sa Dios, ito ay dahil sa kulang ang ating kaalaman at nagiging katulad tayo ng Samaritano na sinuway ni Hesus: “sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala” (Juan 4:22)
Isinalin sa Tagalog, hango sa sa Spiritual Disciplines for the Christian Life. Donald S. Whitney. Navpress. Pp 213-216