Nilalang Tayo Para sa Mabubuting Gawa
0
Malinaw sa atin na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa mga gawa (Efeso 2:8-9). Ngunit dapat ay malinaw din sa atin na “ tayo ay pinakamahusay na gawa , na nilalang kay Kristo para sa mabubuting gawa , na inihanda ng Diyos nang una pa upang siya nating lakaran” (Efeso 2:10). Tayo ay binuhay na muli para sa pag-gawa ng mabuti. Ang salitang “lakaran” ay nagpapahiwatig ng pangkaraniwang karanasan, hindi ang kamangha-manghang pagliligtas ng isang bata mula sa nasusunog na bahay. Tayo ay ginawa ng Diyos upang gawin ang ordinaryong mabuting gawa sa konteksto ng ating pang-araw-araw na bokasyon o gawain.
Ang pag-gawa ng mabuti ay isinalarawan ni Pablo sa I Timoteo 5:9-10. Upang ang isang balo ay matulungan, kailangan na siya ay “may mabuting patotoo sa mabuting gawa, na siya’y nagpalaki ng mga anak…nagpatuloy ng mga panauhin…naghugas ng mga paa ng mga banal, dumamay sa mga naghihirap, at itinalaga niya ang sarili sa pag-gawa ng mabuti sa lahat ng paraan.” Walang kakaiba sa mga nabanggit, kundi mga oportunidad na gumawa ng mabuti sa pang-araw-araw na buhay. Bagamat tinutukoy dito ay mga babae, ang prinsipyong ito ay para sa lahat ng tao. Ang pag-gawa ng mabuti ay nakapaloob sa pang-araw-araw nating pag-ganap ng ating katungkulan na naaayon sa ating kakayahan at abilidad.
Kung inayos na mabuti ng isang mekaniko ang ating sirang sasakyan, gumawa siya ng mabuti sa tao at sa Diyos, kahit siya ay binayaran dito. Dapat nating tingnan na ang ating mga trabaho ay pagbibigay serbisyo sa tao hindi lamang upang kumita o makapamuhay ng maayos at mabayaran ang ating mga obligasyon. Gayundin naman, ang mga ina sa bahay ay gumagawa ng mabuti sa kanya mismong pamilya sa matapat at makadiyos na pag-ganap ng kanyang tungkulin.
Ang hamon sa atin ay maging sensitibo, handa at maagap na tumugon sa okasyon na maari tayong gumawa ng mabuti. Tingnan ang mga ito na hindi sagabal o abala, kundi pag-ganap ng mabubuting gawa na inilaan ng Diyos upang ating lakaran, bago pa man tayo isilang (Efeso 2:10).
Mula sa aklat na The Practice of Godliness. Jerry Bridges. 1996. NavPress. Colorado. Pp 191-194.