Nangunguna Ng May Pagkalinga

0

  “Magpauna ang aking panginoon sa kaniyang lingkod: at ako’y mamamatnubay na dahandahan ayon sa hakbang ng mga hayop na sa aking unahan at ng hakbang ng mga bata hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir.” Genesis 33:14

Ang bersikulong ito ay napakagandang larawan ng pagigiging mapagkalinga ni Jacob sa kanyang mga anak at alagang hayop. Hindi niya pababayaan na sila ay mapagod sa paglalakbay ng tuloy-tuloy. Kung ano lamang ang kanilang kayang lakbayin sa loob ng isang araw ang importanteng konsiderasyon para kay Jacob sa paglalakbay ng kanyang angkan. Dinaanan na niya ang ilang na iyon at alam niya ang hirap, init, at layo ng lalakbayin.

Ang paglalakbay natin sa daan ng buhay ay walang kasiguraduhan. Haharap tayo sa panibagong taon na puno ng hamon. Kung ano man ang mga ito ay walang nakaka-alam. Subalit ano man ang ating daranasin ay alam na ito ng ating Panginoong Hesus. Alam Niya ang matataas na lugar na ating kinatatakutan, ang mga baku-bakong daan na nagpapasakit sa ating mga paa, ang nakakapasong init ng araw, ang mga ilog na dapat tawirin. Lahat ng ito ay dinanas na ni Hesus.

Si Hesus ay nahirapan din bilang isang lubos na tao. “… Si Hesus nga, nang napagod na sa kaniyang paglalakbay ay naupong gayon sa tabi ng balon.” (Juan 4:6 ). Nagdanas Siya ng pagdurusa sa iba’t-ibang paraan, subalit hindi nabawasan ni katiting man ang Kanyang pagmamahal at pagnanais na iligtas ang Kanyang bayan sa kasalanan. Naging lubos ang pangunguna ni Hesus sa atin sa pamamagitan ng Kanyang paghihirap. “Sapagka’t nalalaman Niya ang ating anyo; Kanyang inaalala na tayo’y alabok.” (Mga Awit 103:14). Ang mga katotohanang ito ang magbigay sa atin na lakas at pag-asa sa oras na dumaranas tayo ng pagsubok at kahirapan.

Alam ni Hesus ang ating kahinaan at hindi Niya tayo dadalhin ng kahit isang hakbang sa lugar na hindi natin kakayanin. Kung hindi man, bibigyan Niya tayo ng lakas upang malampasan natin ang isang karanasan o pagsubok na hindi natin kayang pasanin.

Mapuspos tayo ng galak at pag-asa dahil si Hesus ay kasama natin sa pagharap sa panibagong hamon ng Bagong Taon.

 

Mula sa Streams in the Desert. L.B. Cowman.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top