May Hihigit Pa Ba Sa Iyong Kaluluwa?

0

 

img_0032

Sa bawat paglubog ng araw, lumalapit tayo sa araw ng ating kamatayan. Bigyang halaga ang  kaluluwa.

Mahalaga ang katanungang ito dahil ito ang magtatama sa iyong kaisipan. Ang iyong katawan ay panandalian lamang. Mabuhay ka man ng masagana at masaya, ito ay may katapusan. Magdusa ka man dahil sa sakit, kahirapan, problema sa relasyon, trabaho, atbp, lahat ng ito ay may hangganan. Ang talino at galing ng isang dalubhasa, pintor, doktor, propesor, atleta, atbp ay maglalaho sa oras ng kamatayan ng taong may angkin nito. Sinasabi sa 2 Pedro 3:10, “Ngunit darating ang araw ng Panginoon… ang lupa at ang gawang naroon ay masusunog.”

Subalit lumipas man ang lahat ng bagay, ang kaluluwa ay mananatiling buhay at magpapatuloy  sa pangwalang-hanggan. Kung lahat ay maglalaho, maliban sa kaluluwa, hindi ba dapat na maging pangunahin ito sa iyong buhay? Anumang paghihirap ang maranasan mo sa lupa ay pansamantala lamang. Ang tunay mong kaaway ay yaong sumisira ng iyong kaluluwa.

Pag-isipan mo. Ano ang pakay mo sa iyong buhay? Ito ba ay ang kumain uminom, magtrabaho, magalak at gawin ang makakasiya sa iyo? Ikaw ay narito sa lupa para sa mataas na layunin na maghanda at magsanay para sa buhay na walang hanggan. Ang iyong katawan ay tahanan ng kaluluwa na hindi namamatay. Nais ng Diyos na magsanay ka na manaig ang nais ng iyong kaluluwa laban sa laman, upang gawin ang kalooban ng Diyos. Sa huling araw, isa lamang ang sukatan ng Diyos sa bawat tao. Ito ay ang kalagayan ng ating kaluluwa.

Kaya’t huwag mo itong kalimutan. Gawin mong pangunahin ang kapakanan ng iyong kaluluwa. Gumising ka sa umaga na humihingi ng biyaya ng Diyos na masupil mo ang masamang dikta ng laman. Mahiga ka sa gabi at itanong mo sa sarili kung nagtagumpay ka dito. Bawa’t araw, mabuhay ka para sa iyong kaluluwa. Sapagkat mabilis na dumarating ang araw, kung saan ang kaluluwa lamang ang magiging mahalaga sa tao, at itatanong nila sa kanilang sarili ang pinakamahalagang tanong sa buong langit at lupa, sa buong panahon: “Ang kaluluwa ko ba ay ligtas o ito ba ay nabubuhay sa kawalan patungong kapahamakan?”

Sagutin mo ngayon din ang tanong na ito. Si Kristo ang nagbayad ng kasalanan sa Krus ng Kalbaryo. Kung mananampalataya ka sa Kanya, magsisisi sa iyong mga kasalanan at ibibigay ang  buhay mo sa Kanya, maliligtas ang Iyong kaluluwa. Ngunit kung wala si Kristo sa iyong buhay, mananatili kang naglalakbay tungo sa kapahamakan.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top