May gantimpala ang pagpapagal
0
“Ihasik mo ang iyong tinapay sa tubigan, sapagkat ito’y iyong matatagpuan pagkaraan ng maraming araw.” Eclesiastes 11:1
Hindi lingid sa Dios ang lahat ng ating pagpapagal upang maglingkod sa Kanya. Ngunit huwag nating isipin na gagantimpalaan tayo agad ng Dios sa lahat ng ating ginagawang mabuti. Mali din na ating ilaan ang paggawa ng mabuti sa lugar o tao na maaaring bigyang-ganti ang ating pagpapagal.
Matuto tayo sa mga taga Ehipto. Nakagawian na nila na magsabog ng binhi katulad ng palay o mais sa katubigan ng Ilog Nilo (Nile River). Sa ating tingin ito ay malaking pag-aaksaya. Subalit kapag dumating ang baha, ang binhi ng palay o mais ay babaon sa matabang putikan sa tabihan ng ilog. Kapag humupa na ang baha, ang mga binhi ay tutubo at darating ang panahon na magkakaroon ng masaganang ani.
Nasa atin ang “Paghahasik ng tinapay sa tubig,” at nasa Dios ang pagtupad ng pangako na ang ihinasik na tinapay “ay iyong matatagpuan.” Ang Dios ay tapat sa Kanyang pangako. Buhay ang Kanyang mga Salita. Ang tinapay na ating inihasik sa tubig ay ating masusumpungan. Maaaring hindi ngayon, kundi sa darating na araw ay aanihin natin ang ating itinanim.
Matuto tayong maghintay at maging mapagpasensya katulad ng Dios. Ang tinutukoy na “araw” kalimitan ay mga buwan o taon. Subalit lumipas man ang mahabang panahon, ang Salita ng Dios ay totoo at mananatili. Tutuparin ng Dios ang Kanyang pangako. Kaya sundin natin ang kanyang utos, gumawa tayo ng mabuti, “maghasik sa tubig.” Tiyak na darating ang panahon ng tag-ani.
Mula kay Charles H. Spurgeon.