Mas Mabuting Mag-isa Kasama Ang Dios
0Ang manindigan sa ating pananampalataya ay maaaring magdala sa atin sa pag-iisa. Ang taong nag-nanais na mapalapit ang relasyon sa Dios ay parang isang agila na pumapailanlang sa kailangitan na nag-iisa. Ang taong tapat sa kanyang pananampalataya ay dapat na makontentong mabuhay na malayo sa pakikisama ng maraming tao sa sanlibutan.
Ang Dios ay naghahanap ng mga taong katulad ng agila. Walang taong makakaranas ng pinakamatamis at pinakamagandang buhay na ispiritwal kung hindi tayo lalakad na mag-isa kasama ang Dios. Ipinakita sa atin sa Biblia na si Abraham ay nabuhay nang “mag-isa” sa lupain ng Canaan, samantalang si Lot ay nabuhay na napapaligiran ng maraming mga lunsod. Si Moses, bagamat may mataas edukasyon sa Egipto ay namuhay ng 40 taon sa ilang kasama ng Dios. At si Pablo gayong puspos ng karunungan bilang isang mag-aaral ni Gamaliel (Mga Gawa 22:3), matapos na masumpungan ang ebanghelyo, ay hindi kumunsulta sa mga apostol sa Jerusalem, kundi nagtungo sa disyerto ng Arabia (Galacia 1:17). Ayon kay Matthew Henry ay upang mas tumanggap pa ng pahayag mula sa Dios o ipangaral ang ebanghelyo sa mga Hentil.
Kaya hayaan natin na ilayo tayo ng Dios sa kalipunan ng mga tao, hindi upang magkulong sa monasteryo, kundi sa karanasan na hindi tayo dumidepende sa pag-kalinga o suporta ng ibang tao, maging ng mga kapatid. Bagamat ito ay mabuti, subalit hindi sa lahat ng panahon. Maaaring maging sagabal sila sa ating pag-lago kung lagi na lamang tayong nakadepende sa kanila, hindi mismo sa pakikipag-ugnayan natin sa Dios. Alam ng Dios kung paano baguhin ang kalagayan natin at matagpuan natin na tayo ay nag-iisa. Kapag naramdaman natin ang ating pag-iisa na hindi dumidepende sa ibang tao kundi sa Dios, mararamdaman natin na ang Dios ay gumagawa sa ating puso at ang ating kaluluwa ay umaangat palapit sa Dios.
Ating nasahin ang mapag-isa katulad ni Jacob, kung saan sa kanyang pag-iisa ang Anghel ng Panginoon ay bumulong sa kanya at nagsabing “Hindi na tatawaging Jacob ang iyong pangalan kundi Israel” (Genesis 32:28). Si Daniel ay nagkaroon ng makalangit na pangitain sa kanyang pag-iisa. Sa pag-iisa ni Juan sa Isla ng Patmos, tinanggap at naisulat niya ang pahayag ni Hesus na ibinigay sa kanya ng Panginoon (Pahayag 1:1).
Sa pagharap natin sa Bagong Taon, ang biyaya ng Dios ay sumagana nawa sa atin upang mas nasahin natin na mapag-isa kasama ang Dios, dahil ito ay magdadala na atin ng tunay na pag-lago sa ating ispiritwal na buhay.
Mapagpalang Bagong Taon Sa Ating Lahat!
Mula sa Streams in the Desert ni L.B. Cowman