“Manampalataya Kayo Sa Akin.”
0
Bakit kailangang manampalataya (manalig, magtiwala) kay Hesus? Sapagkat ang sangkatauhan ay may malubhang kalagayan at si Hesus lamang ang maaaring sumagip sa atin. Inihambing ito sa kalagayan ng isang taong walang malay sa loob ng nasusunog na gusali na malapit nang gumuho. Dumating ang bumbero, dala ang hindi nasusunog na pangbalot at agad-agad na binuhat ang walang malay at sinabi, “Bubuhatin kita, huwag kang kikilos upang tulungan ako. Ilalabas kita sa nag-aapoy na lugar na ito, subalit hayaan mong ako ang gumawa nito. Magtiwala ka lamang.”
Malubha ang ating kalagayan sapagkat galit ang Dios dahil sa ating mga kasalanan. Ang Dios ay makatarungan at ang Kanyang galit ay nakatuon sa lahat ng kilos at pag-iisip na hindi nagpapahalaga sa Kanya. Lahat ng tao ay nagkasala at hindi nagbibigay lugod sa Dios araw-araw.
Subalit isinugo ng Dios ang Kanyang bugtong na anak upang iligtas tayo sa panganib. Siya ang umako ng ating kaparusahan sa Krus. Siya ay namatay para sa atin. Hindi niya hinihiling na magpenetensya, magpakabayani o magbigay ng indulgences ang tao, kundi ang magtiwala lamang sa Kanya.
Ano ang ibig sabihin ng magtiwala sa Kanya? Una, ito ay ang paniniwalaan na ang mga nangyari tungkol kay Hesus ay totoo. Nang nagduda si Tomas kay Hesus ay Kanyang sinabi “Ilagay mo ang iyong daliri…” (Juan 20:27). Ang paniniwala ay hindi pagtalon sa dilim kundi nakasalig sa totoong pangyayari. Ngunit ang paniniwala kay Hesus ay hindi lamang pag-kaalam ng totoong bagay tungkol kay Hesus, kasama din dito ay pagtitiwala sa Kanya.
Inihandog ni Hesus ang Kanyang sarili hindi lamang upang sagipin tayo sa tiyak na kapahamakan, kundi bilang Tubig ng Buhay na dapat inumin. Ang ibig sabihin ng pag-inom sa Tubig ng Buhay ay ang makita natin na ang kasapatan natin ay si Hesus, at Siya lamang ang makapag-aalis ng uhaw ng ating mga kaluluwa. Upang maging Tubig Siya ng ating buhay, hindi sapat ang maniwala lamang, kailangan ang pagtitiwala.
Dumating si Hesus hindi lamang upang tayo ay iligtas sa galit na darating, kundi ibigay sa atin ang walang hanggang kagalakan. (Juan 17:3). Alam ni Hesus na hindi lamang kaligtasan sa impiyerno ang kailangan natin, kundi kasiyahan dulot ng tamang relasyon sa Dios. Makakamit lamang ito kung mananampalataya tayo sa Kanya. Ito ang kailangan ng napapahamak na mundo, Ang manampalataya na nagtitiwala kay Hesus.
Mula sa What Jesus Demands from the World. John Piper. 2006. Wheaton Crossway Books. Illinois. Pp 48-51