Maghanda Ka Sa Kinaumagahan

0

 “Maghanda ka sa kinaumagahan , at umakyat ka sa kinaumagahan sa bundok ng Sinai at humarap ka sa atin doon sa tuktok ng bundok.” (Exodus 34:2)

Sa muling pagharap sa panibagong taon, mabuting makasanayan na simulan natin ang bawat araw sa pakikipag-ugnayan sa Dios sa pamamagitan ng pagbubulay ng Kanyang salita at pananalangin. Ang oras na ito ang pinakamahalaga sa bawat araw. Kung gawin natin ito, magkakaroon tayo ng kahandaan na harapin ang pangkaraniwan o mahirap na responsibilidad sa bawat araw. Huwag nating isipin na kaya nating magtagumpay sa sarili lamang nating lakas. Kailangan natin ang gabay at patnubay ng Panginoon. Ito ay sasaatin kung dudulog tayo sa Kanya tuwing umaga.

Sila na nakagagawa ng mga dakilang bagay para sa Dios sa mundong ito ay yaong may panahon na makipag-niig sa Dios at manalangin sa bawat umaga. Halimbawa, si Matthew Henry ay nag-aaral ng Salita ng Dios at nananalangin mula 4:00 ng umaga hanggang 8:00 ng umaga.

Ayon kay Philip Doddridge, may malaking pakinabang ang pag-gising ng 5:00 ng umaga kumpara sa 7:00. Nakakapagdagdag ito ng 25% sa kanyang nagagawa, na katumbas ay sampung taon kung mabuhay ng apat-napung taon.

Sinulat ni Adam Clarke ang Commentary on the Bible tuwing madaling araw. Gayon din si Albert Barnes, na nagsusulat tuwing umaga. Ang “Sketches” ni Charles Simeon ay sinulat niya kada araw mula 4:00 hanggang alas 8:00 ng umaga.

Sa pagharap natin sa panibagong taon, mahalaga na mapaalalahanan tayo ng unahing gawin ang ating mga espiritwal na tungkulin tuwing umga. Ang ugaling ito ang magdadala sa atin sa pagiging mabunga at ligtas sa mga tukso na nakapaligid sa atin sa bawat araw. “Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian at ang kanyang katuwiran at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawing idadagdag sa inyo.” (Mateo 6:33)

Mula sa Streams in the Desert ni L.B. Cowman.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top