Magbigay ng Panahon sa Dios

0

IMG_1884

Isang malalang problema ang kawalan ng ispiritwal na pag-unlad. Marami itong dahilan, subalit ang pangunahin ay ang hindi paglalaan ng oras upang kilalanin ang Dios. Maling isipin na ang kaligtasan ay minsanang desisyon ng pagtanggap kay Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ito ay araw-araw na pagsunod at pagsamba sa Kanya.

Ang kalakasan at kahinaan ng isang Kristiano ay nakabatay sa kanyang kaalaman tungkol sa Dios. Ang kaalamang ito ay hindi sa kaisipan (dahil maaari itong maging kapalaluan), kundi kaalaman na naghuhubog ng pagmamahal sa Dios at sa kapwa. Ibinigay ni Pablo ang kanyang buong buhay sa pagkilala kay Kristo:“Ang lahat ng mga bagay ay inari kong kalugihan dahil sa higit na kahalagahan na makilala si Kristo-Hesus na Panginoon ko.” (Filipos 3:8)

Ngunit hindi lalago ang isang Kristiano kung walang ibinibigay na sapat na panahon para kilalanin ang Dios. May mga praktikal na tungkulin na dapat na maging bahagi ng araw-araw nating gawain katulad ng pagbabasa ng Biblia, pag-aaral ng Kanyang Salita at pananalangin. Kasama rin dito ang pananabik na makinig ng Kanyang Salita sa linguhang pagsamba at makisama sa mga mananampalataya. Sa bawat pakikinig ng Kanyang Salita ay may inilalaan ang Dios na pagpapala. Ang paglago ay nangangahulugan ng pagbibigay ng ating buong buhay sa Dios. Ang katumbas nito ay maraming oras na nauukol sa pagganap ng mga banal na gawain patungkol sa Dios.

Mararamdaman lamang natin ang kasapatan ng Dios sa ating buhay kung tayo ay may malaking pagmamahal sa Kanya. Naipapakita ito sa paglalaan ng panahon para sa Kanya. Kung kakaunting oras lamang ang ibinibigay natin sa Dios, huwag tayong magtaka kung palagi tayong nanghihina at mabagal ang paglago sa buhay Kristiano. Hindi rin lubos ang ating kasiyahan.

Tapat nating tanggapin na walang “short cut” sa paglagong ispiritwal. Napakaraming bagay at tukso ang maglalayo sa atin sa Dios, subalit kung tayo ay may matalinong pagpapasya, bibigyan natin ng pansin ang Hari sa ating mga puso.

Kung hindi natin bigyan ng sapat na panahon na kilalanin ang Dios na nagligtas sa atin, sinasaktan natin ang ating sarili at ito ay may malalang implikasyon. Ang Dios ay tumutugon sa ating pagnanais na makilala Siya. Ang Biblia ay bukas para sa atin. Ang ating personal na paglago ay nakadepende sa ating determinasyon na gawin ito.

Hango sa The Root of the Righteous ni A.W. Tozer

 

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top