Mabuting Maghintay
0
May isang sundalo na tumatakas sa mga kaaway sakay ng kanyang kabayo. Sa Kanyanng matuling pagtakbo, napansin niya na nahihirapan ang kanyang kabayo dahil may depekto ang bakal sa paa nito. Kinakailangan itong ayusin, ngunit malapit na ang kaaway at kung siya ay hihinto, manganganib ang kanyang buhay. Ngunit minabuti niyang dumaan sa isang manggagawa at naghintay hanggang siguradong maayos na ang bakal sa paa ng kabayo.
Nang halos 100 metro na lamang ang layo ng kaaway, sabay naman siyang sumakay sa kabayo at tumakbong kasing bilis ng hangin upang ipagpatuloy ang kanyang pagtakas. Doon niya napatunayan na ang saglit na paghihitay ay nag-pabilis pa sa kanyang pagtakas.
Malimit na pinaghihintay tayo ng Diyos bago tayo atasan ng panibagong gawain. Ito ay upang tayo ay maihanda sa maaring mas malaking gawain ng paglilingkod. Ganito ang nangyari kay Moses. Apatnapung taon siyang inihanda ng Panginoon bago pa siya isugo sa Ehipto. Sa mga panahong ito, hinuhubog ng Diyos ang kanyang katauhan para sa isang mahirap at mabigat na misyon na dalhin ang bayan ng Diyos palabas ng Ehipto.
Mahirap maghintay. Marahil kung alam ni Moses ang plano ng Diyos, hindi magiging mahirap ang maghintay. Lingid din sa atin ang plano ng Diyos sa ating buhay. Subalit ang bawa’t Kristiano ay naghihintay ng may pag-asa. Walang pagka-inip o pagkalito sa hinaharap dahil may tiwala tayo na kung saan man tayo dalhin ng Panginoon ito ang mas mabuti sa atin. At kung naghihintay man tayo ng sagot sa ating mga panalangin, hindi rin tayo dapat mainip dahil ang Diyos na kumakalinga ay may sagot sa lahat nating panalangin sa angkop at mas mabiyayang panahon.
Hango sa Streams in the Desert in LB Cowman