Kilos at Pag-uugali
0Ang relasyon ng kilos at pag-uugali ay napakalapit. Sa paulit-ulit na kilos, nabubuo ang pag-uugali. Ito ang sinasabi sa 2 Pedro 2:14 “na may pusong sanay sa kasakiman; mga anak ng paglait.”. Subalit totoo rin na ang ugali ay nagtutulak na gawin ang isang kilos.
Ang kilos ay kung ano ang ginagawa natin, at ang ugali ay kung ano tayo. Ang kilos ay resulta lamang ng ating ugali, at ang ugali ang siyang nagdidikta ng ating kilos. Nang ang bangka, kung saan lulan sina Pablo ay nawasak, sila ay napadpad sa isla ng Malta. Ang mga katutubo sa isla ay gumawa ng apoy upang makapagpainit ang mga nanlalamig na bilanggo. Sa Gawa 28 ay mababasa na si Pablo rin ay nanguha ng mga sanga ,at nang mainitan ang mga ito, biglang lumabas ang isang ahas na pumulupot sa bisig ni Pablo.
Kung tutuusin, hindi kailangan ni Pablo na tumulong, at pwede na lamang siyang tumayo at mag-painit katulad ng iba pang bilanggo. Subalit natural kay Pablo ang tumulong. Sa Gawa 20:35 ay mababasa, “Nagbigay halimbawa ako sa inyong lahat ng mga bagay, na sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong magsisaklolo sa mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus…”
Dahil ang kilos ay nagbubunga ng pag-uugali, at ang ugali ay nagdidikta ng kilos, napakahalaga na maging maka-diyos ang ating bawat gawa sa araw-araw. Kaya nga sinabi ni Pedro na buong sikap nating dagdagan ang ating pananampalataya ng, “kagalingan, at sa kagalingan ay ang kaalaman, at sa kaalaman ay ang pagpipigil, at sa pagpipigil ay ang pagtitiis, at sa pagtitiis ay ang kabanalan.” (2 Pedro 1:5-6). Hindi tayo dapat tumitigil sa pagsisikap na magkaroon ng makadiyos na pag-uugali. Dahil sa mga pagkakataon na hindi nagiging makadiyos ang ating kilos, inilalapit natin ang ating sarili sa sanlibutan. Maaring kapos ang ating pagsisikap na maabot ang pamantayan ng Diyos. Gayon pa man, magsumikap tayo na patuloy na kilalanin si Kristo at maging katulad NIya.
Mula sa The Practice of Godliness. Ni Jerry Bridges