Kayamanang Walang Katumbas

0

 

Walang ibang aklat sa mundo ang nagpapahayag ng napakadakilang bagay kundi ang Biblia.

Kulang ang salita at buhay sa mundo upang isalarawan ang yaman at kahalagahan nito sa tao. Walang sitwasyon na hindi maaaring ilapat ang Biblia. Ito ay aklat sa lahat ng panahon.

Ipinahayag sa Biblia ang dakilang paghahari ng Dios simula pa noong una. Ang daan ng kaligtasan mula sa walang-hanggang pagdurusa sa impiyerno ay malinaw na ipinahatid sa tao. Kay laking biyaya na ating malaman na tayong makasalanan ay patatawarin ng Dios Ama dahil sa pag-ako ni Hesu-Kristo ng ating parusa doon sa Krus. Ipinahayag sa Biblia ang pag-aaring-ganap ng Ama at pakikisama ng Banal na Ispiritu sa sinumang nagsisisi at nananampalataya kay Hesus bilang tanging Tagapagligtas. Nakasulat dito ang daan tungo sa kaligtasan mula sa galit na darating. Kung wala ang Biblia, paano natin malalaman ang dakilang katotohanang ito!

Apat na saksi, sa iba’t-ibang aklat (4 Gospels) ang nagpahayag ng buhay ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Nasasaad dito ang Kanyang himala, ministeryo at katuruan. Isinalarawan dito ng malinaw ang Kanyang buhay at kamatayan, ang Kanyang kapangyarihan, pagmamahal, kabutihan, pagpapasensya, kaisipan, maging ang nilalaman ng Kanyang puso. Saan natin ito mababasa kundi sa Biblia!

Hinihimok din tayo ng Biblia mula sa mga buhay ng mga taong nagmahal sa Dios na nakasulat dito. Ipinakikita na sila ay katulad din nating makasalanan, natutukso, nagkakasakit subalit sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay tumanggap ng matatamis na pangako (Hebreo 6:12).

Inilalantad ng Biblia ang karumihan ng tao, at pagkilos ng Diablo upang ilayo ang tao sa Dios. Mababasa natin ang aktibong paggalaw ng kaaway at paggamit sa tao upang lumaganap ang kasamaan sa lupa. Subalit malinaw din ang pagtatagumpay ng katuwiran sa kasamaan, ang paggapi sa kamatayan at ang muling pagluklok ng Anak sa Trono upang maghari magpakaylan pa man.

Saan pa natin matatagpuan ang maningning na katotohanang ito kundi sa Biblia? Huwag nating balewalain ang Biblia. May Biblia ka ba? Ano ang ginagawa mo dito? Binabasa mo ba ito? Ginagawa mo ba ang nakasulat dito?

Ang iyong sagot sa mga tanong na yan ang magpapakita ng kalagayan ng iyong kaluluwa.

 

Isinalin sa Filipino hango sa aklat ni J.C. Ryle. Practical Religion. 2009. The Banner of Truth Trust

 

 

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top