Kasama ang Diyos sa Pasimula Hanggang sa Katapusan ng Taon
0“ Kundi ang lupain na inyong patutunguhan upang angkinin ay lupaing maburol at malibis, at umiinom ng tubig ng ulan sa langit, lupaing inaalagaan ng Panginoon mong Diyos. Ang pansin ng Panginoon mong Diyos ay laging naroon mula sa pasimula ng taon hanggang sa katapusan ng taon” (Deutronomio 11:11-12)
Humaharap tayo sa isang bagong taon. Sino ang nakakaalam ng ating masusumpungan,? Anong mga karanasan? Anong pangangailangan? Anong pagbabago? Wala mang kasiguraduhan ang bukas, “ang Diyos ay laging naroon …hanggang sa katapusan ng taon”
Ang Panginoon ang bukal na pinagkukunan natin ng lahat ng ating pangangailangan at ilog na hindi natutuyo. Kung ang Dios ang bukal ng awa, ang Kanyang awa at kalinga sa atin ay hindi rin maiiga. “Isang ilog na nagpapasaya sa lunsod ng Diyos” . (Awit 46:4)
Subalit ang lupain na nais nating angkinin (ang bagong taon na ating tatahakin) ay hindi laging patag kundi lupain ng lambak at burol. Sa ating buhay ay may mga pagsubok at hamon na kailangang pagtagumpayan, kahinaan na kailangang baguhin, gawaing kailangang pag-ibayuhin.
Maraming Israelita ang namatay sa ilang na dapat sana ay naka-ligtas kung sila ay nasa burol, dahil ito ay nagbibigay ng proteksyon sa malakas na hangin at lamig. Ang burol at bundok sa ating buhay ay gina-gamit ng Panginoon upang pag-ingatan at patibayin ang ating kaluluwa.
Lingid sa atin ang darating na kawalan, kalungkutan at pagsubok sa hinaharap. Kailangan natin ang malakas na pagtitiwala sa Kanya na may hawak ng bukas. Aakayin ng Ama ang mga matatapat sa muling pagtahak sa panibagong hamon ng bukas. Ang darating na taon ay mabuti at puspos ng pagpapala para sa Kanyang bayan dahil “Ang pansin ng Panginoon mong Diyos ay laging naroon mula sa pasimula ng taon hanggang sa katapusan ng taon”.
Isinalin sa Filipino mula sa “Streams in the Dessert” ni LB Cowman. pp 13-14
Mapagpalang Bagong Taon sa Lahat!