Kasalanan
0Kaya bang sukatin ang tindi ng kasalanan? Walang maaaring ihambing sa tindi ng kasalanan, subalit hindi ito kinakatakutan ng tao at hindi rin sila nababahala sa implikasyon nito sa kanilang kaluluwa.
Sinasabi sa Biblia na ito ay naitanim sa puso ng bawa’t tao nang magkasala si Eba at Adan. Malala ang epekto nito sapagkat walang patid nitong nilalason ang ating kaisipan, salita at kilos. Tayo ay naging marumi at may sala sa harapan ng Diyos, ngunit wala tayong kakayahan na lumaya sa gapos at sumpa nito (Rom 3:20). Habang tayo ay nabubuhay, ang dulot nito ay kahihiyan at sa oras ng kamatayan, ang naghihintay sa may sala ay walang hanggang pagdurusa sa impiyerno (Rom 6:21-23).
O anong tindi ng ginawang pagwasak ng kasalanan! Nilalang tayo ng Diyos na walang dungis, subalit itinapon tayo ng kasalanan sa burak ng kasamaan. Kaya’t ang ating bawat kilos ay may marka ng kabulukan. Para tayong barko na walang direksyon, lito at walang kapayapaan. Ang ating kasayahan ay pawang pangkasalukuyan lamang. Nagdulot ito sa atin ng sakit, hirap, malisya, pagka-inggit, kasakiman, kapalaluan, pagiimbot, pagpatay at lahat ng uri ng kasamaan. Mayroon tayong sigasig at disiplina, subalit ito’y sa pag-gawa lamang ng mga bagay na maglalayo sa atin sa Diyos.
Ang kasamaan ng kasalanan ay makikita sa halaga ng kabayaran ito. Ang buhay ng Anak ng Dakilang Lumikha ang naging kabayaran ng kasalanan. Siya na walang dungis ay itinuring na makasalan. Binayaran Niya ito sa isang malupit na paraan. Siya ay nilapastanangan, nilibak, niyurakan, hinampas at inaring parang isang kriminal. Sa Krus labis Siyang nagdusa, at napaiyak, “Diyos ko, Diyos Ko, bakit mo Ako pinabayaan.”(Markos 15:34). Maging ang araw ay nagluksa at ang lupa ay nayanig sa pagkalunos sa naganap na Dakilang Pagtubos.
O taong makasalanan, nakikita mo ba ang lason sa dugo ng iyong katauhan? May pag-asa pa upang ikaw ay luminis at tanggapin ng Diyos. Manampalataya ka kay Kristo na tumubos sa iyong Kasalanan. Ang Kanyang biyaya ay sapat na magbayad gaano mang kalaki ang nagawa mong kasalanan. Subalit tumalima kang mabilis sapagkat ang tawag na ito ay magtatapos sa panahong hindi mo inaasahan.
Mula kay J.C. Ryle. General Counsels for Young People. Free Grace Broadcaster. Chapel Library