Kalikasan ng Kabanalan
0Ang salitang “Kabanalan” ay nasulat ng 600 na beses sa Biblia at 700 naman kung isama ang iba pang salitang kasing-kahulugan nito. Ang pagsamba ng bayan ng Israel ay nakasentro sa kabanalan. Kaya kailangan na banal ang pari, ang kanilang kasuotan, mga kagamitan, at ang tabernakulo.
Ang kahulugan ng kabanalan ay ang pag-hiwalay. Nagpapakita ito ng distansiya. Ang Dios ay banal at mataas sa lahat ng Kanyang nilikha. Siya ay bukod at natatangi. Siya ang Dios at wala nang iba (Isa 45:22). Ang mga Kristiano ay tinawag upang maging banal, sapagkat ang Dios na tumawag sa kanila ay banal.
Ngunit bilang mga Kristiano, tayo ay naging banal na kay Kristo. Kasama dito ang “pagpapabanal” (sanctification) at ang pag-aaring ganap (justification) ng isang Kristiano. Ang “justification” ay minsanang nangyayari. Sa sandaling nagsisisi at nanampalataya ang isang tao kay Kristo, siya ay “inaaring-ganap” ora mismo. Subalit ang “sanctification” ay nagpapatuloy na gawain ng Ispiritu sa buhay ng isang Kristiano.
Ang Kristiano ay “pinababanal” ni Kristo kaya’t hiwalay na siya agad sa sanlibutan. Ito ang “tiyakang pagpapabanal” o “definitive sanctification”. Subalit kaugnay nito ang “nagpapatuloy na pagpapabanal” o “progressive sanctification”. Kay Kristo, ang bawat mananampalataya ay ibinukod na at sa ngayon ay inuutusan na lumago sa nagpapatuloy na proseso ng kabanalan sa kanyang buhay.
Ang kabanalang ito ay hindi ang pagsunod lamang ng mga kautusan. Ganito ang mga Phariseo. Mahigpit ang pagsunod nila sa mga kautusan, ngunit ang puso ay mali sa harapan ng Dios kaya galit sa kanila ang Dios. Ang kabanalan ay hindi ang pag-gaya sa buhay ng mga Puritans noong 1500s. Hindi rin ito ang pagiging interesado sa mga misteryo at ispiritwal na bagay katulad ng pag-papagaling, pananalangin at pangloob na kapayapaan.
Ang tunay na kabanalan ay ang paglago sa pagmamahal at relasyon sa Dios na nagreresulta sa paglago sa katuwiran, pagmamahal sa Kanyang Iglesia, at malasakit sa gawain sa Kanyang kaharian. Hindi ang Kristiano ang gumagawa nito kundi pagkilos ng Banal na Ispiritu. Ang isang Kristianong nais maging banal ay nagpapasakop sa pagkilos na ito ng Banal na Ispiritu.
Mula sa aklat ni Kevin DeYoung. 2012. The Hole in our Holiness. Crossway. Illinois.