Kalikasan ng Kabanalan (3)
0Ang pagdidiin sa kabanalan ay hindi nagpapababaw sa pag-aaring-ganap (Justification by faith). Ang pananampalataya at mabubuting gawa ay parehong kailangan. Subalit ang isa ay ugat at ang isa naman ay bunga. Ang ating katuwiran ay kay Kristo lamang. Kung tanungin ang mga Katoliko tungkol sa kaligtasan, ang sagot nila ay: “pag-sisisi, pananampalataya at pagmamahal sa kapwa”. Ang sagot naman ni Pablo ay: “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at ikaw ay maliligtas…” (Gawa 16:31).
Ang pananampalataya na nag-uugnay kay Kristo ay ang pananam-palataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig. (Gal 5:6). Sa Huling Araw tayo ay mapapawalang sala hindi sa ating mga gawa dahil hindi ito sapat. Subalit titingnan din ng Dios ang ating mga gawa bilang ebidensya na ang ating pananampalataya ay hindi huwad. Kaya kailangan ang kabanalan.
Ang sabi sa Belgic Confession (1561) “Hindi nakabatay ang ating kaligtasan sa mga gawa. Tayo ay pinawalang-sala sa pananampalataya lamang. Imposible na ang pananampalataya ay hindi magbunga sa tao sapagkat ito ay pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.” Itinuturo naman ng Heidelberg Cathechism (1563) na ang tunay na pananampalataya lamang kay Kristo ang magtatama sa atin sa harapan ng Dios.” Sinundan ito ng “Maliligtas ba ang hindi tumalikod sa hindi mapagpasalamat at hindi nagsisising puso? Hindi kailanman!”
Malinaw na ang Dios ang kumikilos at nagbibigay ng kakayahan upang tayo ay sumunod. Wala tayong kabahagi sa ating kaligtasan. Subalit hindi natin dapat ipag-walang-bahala ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pangangailangan ng mabuting gawa. Tayo ay naligtas sa biyaya (Efeso 2:8). At tayo ay nilikha kay Kristo-Hesus para sa mabubuting gawa (v. 10). Ang ebanghelyo na nagsasabing may kaligtasan sa tao, subalit hindi nagbabago sa kanilang buhay ay nagtuturo ng mababaw (huwad) na pananampalataya (easy-believism). Kung ating iniisip na sapat na sa isang Kristiano ang manalangin at makibilang sa Iglesia , ating hinahamak at minamaliit ang biyaya. Silang pinawalang-sala (justified) ay kailangang magpakabanal (sanctified).
Sa bawat pahina ng Biblia ito ay itinuturo: tayo ay inutusang maging banal; naligtas upang maging banal, at kung walang kabanalan ay hindi makakamtan ang walang-hanggang buhay kasama si Kristo.
Isinalin sa Filipino, mula sa aklat ni Kevin DeYoung. 2012. The Hole in Our Holiness. Crossway . Illinois. Kindle Edition.