Kalasag Laban sa Tukso ng Kaaway
0Ipinapakita ni Satanas ang nakaka-akit na hitsura ng kasalanan, ngunit sa loob nito ay may makamandag na lason na pumapatay sa kaluluwa. Ilalatag ni Satanas ang lahat ng nakakasiya sa kaluluwa upang tayo ay lumapit at mahulog sa balon ng kamatayan. Iyan ang ginawa ni Satanas kay Eba. Nahalina siya sa alok ni Satanas at dito bumukal ang kasalanan ng buong sangkatuhan. Ngunit may pananggalang na ibinigay sa Biblia laban sa kasalanan.Ito ay ang makita natin ang kalikasan ng kasalanan.
1.Matindi ang pait ng kasalanan. Ang pangakong tamis ng kasalanan ay dagliang nagiging mapait. Si Eba ay nasarapan sa unang kagat ng bunga; si Esau ay naginhawahan sa unang higop ng sabaw na niluto ni Jacob, subalit ang masaklap na epekto nito ay nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Sa impiyierno, walang katiting na saya ang maidudulot ng kasalanang nagawa, kundi perpektong paghihirap ang ibibigay nito.
2.Ang pinakamalungkot at pinakamalaking pagkalugi sa buhay ay dala ng kasalanan. Ang Dios ay makapangyarihan at bukal ng lahat ng pagpapala. Siya ang namamahala at nagmamay-ari ng lahat ng bagay. Kay laking pabor ng isang tao kung ang Dios ay malugod sa Kanya. Subalit ang kasalanan ay malalim na balon na naghihiwalay sa Dios at tao. Ano ang hinaharap ng taong wala ang pabor ng Dios sa kanya? Magulo at malungkot ang buhay sa mundo at siya ay naglalakbay patungo sa perpektong pagdurusa sa impiyerno.
3.Lumayo (nang napakalayo) sa kasalanan. Mamuhi tayo sa kasalanan. Ito ang mabisang depensa upang hindi tayo magdusa sa bandang huli. Lumayo tayo sa balon upang hindi tayo mahulog dito. Si Joseph ay mabilis na tumakbo palayo sa manunukso, ngunit si David mismo ang lumapit sa tukso at naging napakapait ang kapalit nito. Ang kasalanan ay isang matinding salot subalit ilan ang nagigimbal at tumatakbo palayo dito? Ang kaunting lebadura ay nag-papaalsa sa buong masa ng harina, gaya rin naman ng kasalanan ni Eba at Adan na sumira sa buong sangkatauhan. Ganito katindi ang epekto ng kasalanan.
Bagamat ang mga nabanggit ay maglalayo sa atin sa kasalanan, subalit dapat nating malaman na walang ibang makapagliligtas sa kapangyarihan ng kasalanan kundi ang Tagapagligtas na si Hesus. Lumapit kay Hesus. Magsisi sa kasalanan at tanggapin Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas.
Mula sa aklat na Precious Remedies Against Satan’s Devices. Thomas Brooks. Puritan Paperbacks.