Kagalakan Kay Hesus
0Ang tao na ang kagalakan ay si Hesus ay wala nang hahanapin pa. Kung si Hesus ay nasa ating puso, tayo ay ganap. At kung may iba pang pagpapala tayong tinatanggap, ito ay dagdag na lamang.
Ngunit silang naghahanap ng kasiyahan sa mga bagay na nilikha ay naghahanap nito sa mababaw, at mapanlinlang na batis. Hindi nito kailanman maibibigay ang hinahan- ap nating kagalakan. Maikukumpara ito sa higaang makitid at kumot na maikli’t manipis sa malamig na gabi. Subalit kay Hesus, may lugar kahit sa pinakamatayog na imahinasyon na ating minimithi kung ito ay ayon sa kalooban ng Dios.
Ang taong wala si Kristo sa puso, ay parang ilawang walang langis na nabubuhay sa kawalan. Subalit kung si Kristo ay nasa puso, ang kanyang kopa ay umaapaw, sagana ang hapag, puspos ng hindi nagmamaliw na kagalakan. At kahit sa payak na hapag, sa puso ay may pagdiriwang na parang nasa harapan ng masasarap at mamahaling pagkain ng hari. Ang kanyang higaan ay pahingahan ng maharlika, at ang kanyang tirahan ay isang magarang mansyon.
Kaya nga, huwag nang maghanap pa ng kaganapan sa mga bagay na nagpapasaya lamang sa laman. Kayong mga nagugutom ang kaluluwa, lumapit kay Hesus, at mag- diwang sa masaganang ani ng kagalakan. Kayong mga napapagal, manatili kay Hesus at tikman ang lahat ng mabuti. Magalak tayo sa hindi masayod na kasaganaan na kay Hesus lamang matatagpuan.