Ingatan Ang Ating Iniisip

0

 

IMG_1054

Upang maiwasan ang masamang pag-iisip, isapuso natin ang payo ni Apostol Pablo. Kung ano lamang ang totoo, kagalang-galang, matuwid, malinis, kaibig-ibig, kapuri-puri…ito ang dapat nating isipin. (Filipos 4:8). Kasama sa disipilinang ito ang pag-iisip lamang ng mabuti at kalugod-lugod sa Dios.

Mahalaga , ayon kay Solomon  na “Ang iyong puso ay buong sikap mong ingatan, sapagkat mula dito’y dumadaloy ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23). Ang salitang “puso” sa Hebreo ay kumakatawan sa buong pagkatao (pangunawa, emosyon, konsiensya at kalooban). Sa ating iniisip nagmumula ang ating emosyon at kilos. Ang kaisipan (mind) ay parang “greenhouse” kung saan ipinupunla, dinidilig at pinapalaki ang mabuti o masamang pag-iisip (thoughts). Sa kaunting panahon, ang pag-iisip na masama o mabuti ay nagiging realidad o gawa sa mundo.  Ang pagpipigil sa masamang kaisipan ay pagpipigil rin sa masamang gawa.

Ang nagtatanim ng masamang kaisipan ay ang ating mata at tenga (mga bagay na ating nakikita at naririnig). Kaya’t ang pagbabantay sa ating puso/isipan ay nagsisimula sa pagbabantay sa pinapanood sa telebisyon, sine, advertisements at sa mga usapang pumupukaw sa pag-nanasa sa pita ng laman.  Mag-ingat din sa ating binabasa at natutunan.

Ngunit kalimitan, maingat tayo sa ating ginagawa, ngunit hindi sa ating iniisip. Ito ay dahil sa nakikita ng tao ang ating gawa, ngunit hindi ang ating iniisip. Subalit alam ng Dios ang ating iniisip: “ Nababatid Mo ang aking iniisip mula sa malayo” (Awit 139:2b); “Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko, O Panginoon, lahat ng iyon ay alam Mo.” (Awit 139:4). Kaya’t ang isang Kristiano na natatakot sa Dios ay nagpipigil sa lahat ng masamang pag-iisip.

Kasama rin sa pamantayan ni Pablo ng tamang kaisipan ay yaong “totoo, malinis at sakdal.” Kaya maging maingat na huwag makinig ng tsismis, pagbibintang at paninirang puri. Imposible na makinig ng “tsismis” tungkol sa isang tao at mag-isip ng maganda sa kanya. Kung maingat tayo sa ating iniisip, magiging maingat din tayo sa ating mga sinasabi at pinakikinggan.   “…Sapagkat sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mat 12:34b)

 

 

Isinalin sa Filipino ni Haydee Lasco mula sa aklat ni Jerry Bridges. The Practice of Godliness. NavPress. 1987

 

 

 

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top