Huwag Mag-alala
0Ang pag-aalala o pagkabalisa ay pangkalahatang problema ng tao. Ito ang dahilan kaya maraming utos at paghimok sa Biblia ang tungkol sa pag-aalala. Maraming tao ang nag-iisip na ang pag-aalala ay natural na parte ng buhay. Ngunit ito ay isang pagkakamali sapagkat ang pag-aalala ay isang kasalanan.
Malinaw ang turo ng Biblia na ang pag-aalala ay pagsuway sa utos ng Dios. Sinabi ni Hesus “Huwag mabagabag ang inyong puso, sumampalataya kayo sa Dios, sumampalataya rin naman kayo sa Akin.” (Juan 14:1). Ito rin ang paghimok ni Pablo. (Filipos 4:6) “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay. Sa pamamagitan ng pananalangin at pagsamo ng may pasasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios.”
Ang pag-aalala ay kasalanan kaya’t ito ay may kasamaan at pinsalang naidudulot. Sa pag-aalala ni Abraham na baka patayin siya ng mga taga Egipto dahil sa maganda niyang asawang si Sarah, siya ay nagsinungaling. Gayon din kay Abimelech. Dahil dito nagkaoon ng salot sa sambahayan ni Faraon at naging mga baog ang mga babae sa sambahayan ni Abimelech. (Gen 12:10-20; Gen 20).
Sa pag-aalala ni Saul at labis na inggit kay David, siya ay gumawa ng masamang hakbang na nagpasama sa kanya at sa kaharian ng Israel. Tinugis niya si David at ipinapatay ang 85 pari ng Panginoon sa Nob. Nakipag-galit din siya sa anak niyang si Jonathan.
Sinasabi sa Kawikaan 12:25 na “Nagpapabigat sa puso ang pagkabalisa.” Ang pagkabalisa at pagiging malungkot (depressed) ay magkakambal. Ang taong nalulungkot, kalimitan ay maghahanap ng kasayahan sa mundo. Pag-aalala rin ang nagbubukas ng pintuan upang pumasok si Satanas sa ating puso at wasakin ito. Ito rin ang nagtatakip ng Salita ng Dios na nagdudulot ng panghihina sa ispiritu. May malaki ring epekto ang pag-aalala sa ating kalusugan.
Nagiging mareklamo ang taong balisa, katulad ni Marta. Ayaw nila ang nangyayari sa kanilang buhay at ibinubulalas nila ito sa sinumang nais makinig. Kung palaging reklamo ang naririnig, ang mga kaibigan ay lalayo. Ang taong nababalisa ay hindi nagiging kapaki-pakinabang. Ang isang preacher na nag-aalala ay maaring malimutan ang kanyang sermon. Ang nag-aalalang estudyante ay maaring hindi makasagot sa pag-susulit kahit nag-aral naman siyang mabuti.
Hindi kailangang tayo ay mabalisa. Ito ay pag-aaksaya ng oras at lakas sapagkat hindi nito kayang mapangyari, o pigilin ang pangyayari ng isang bagay. (Mateo 6:28-29) Pagtitiwala sa Dios, ito ang kailangan.
Isinalin sa Filipino, mula sa Akalat ni Wayne A. Mack. Down But not Out. 2005. NJ: R&R Pub.