Disiplina sa Sarili

0
img_0955

Ang pundasyon ng masaya at maunlad na pamumuhay ay disiplina. Ang kawalan ng disiplina ay laging nagdadala sa pagkawasak.

Kalimitan, negatibo ang tingin sa salitang “disiplina.”Naiisip natin ang pagpalo sa bata, ang nakakapagod na pagsasanay ng mga atleta at sundalo o ang seryosong pagsunod sa itinakdang pamantayan. Kaya ang disiplina ay itinuturing ng iba na kaaway o kontrabida sa masayang buhay.

Subalit may mga taong maganda ang pagtingin sa salitang “disiplina.” Isang babae na may kapansanan ang tinanong kung bakit nagagawa niyang manalo sa Chicago Marathon (wheelchair division) ng maraming beses. Ang kanyang sagot ay ganito: “Dinidisiplina ko ang aking sarili na mag-ensayo gamit ang wheelchair ng 100 milya kada linggo. Ito ang tanging paraan upang ako ay maka-angat sa iba.” Sa pagdating ng babaeng ito sa finish line, masasabi bang ang disiplina ay naging kaaway niya?

Isang maliit na eroplano ang lumilipad sa masamang panahon. Delikado ang lagay nito, subalit dahil magaling ang piloto, nakababa ang eroplano ng maayos at naligtas ang buhay ng mga pasahero nito. Ang husay at galing ng piloto ay bunga ng daan-daang oras ng pagsasanay sa pagpapalipad ng eroplano. Sa peligrosong oras na iyon, maiisip kaya ng piloto na ang disiplina ay isang kaaway?

Ang pagtatagumpay sa anumang larangan ay bunga ng tiyaga at pangunahin dito ang disiplina. Ito ay kailangan lalong-lalo na sa ispiritwal na paglago. Ang disiplina ay pagtanggi sa maling dikta ng laman. Nais ng katawan ang layaw at kasiyahan. Ayaw nito ng hirap at pagtitiyaga. Ngunit kailangan tayong magtagumpay sa matinding pagnanais ng laman upang magawa natin ang mabuti at kapuri-puri sa Diyos. Ngunit hindi madaling disiplinahin ang sarili. Kaya dapat ay gayahin natin si Pablo at ang kanyang patotoo: “Ngunit sinusupil ko ang aking katawan, at ginagawa itong alipin, upang pagkatapos na mangaral sa iba, ako mismo ay hindi itatakwil” (I Mga Taga-Corinto 9:27).

Mula sa Making Life Works ni Bill Hybels, 1998.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top