Dagliang Pagsunod

0
baptism of Shiela

Ang dagliang pagsunod, ang isa lamang uri ng pagsunod. Ang naantalang pagsunod ay hindi pagsunod kundi pagsuway (Delayed obedience is disobedience). Sa bawat oras na tinatawag tayo ng Diyos na gawin ang isang bagay, Siya ay nakikipagkasundo sa atin. Ang ating tungkulin ay sumunod, at ang Kanyang bahagi ay ang magpadala ng natatanging pagpapala kalakip ng ating dagliang pagsunod.

Ang tanging daan sa pagsunod ay ang sumunod ng walang pag-aatubili, gaya ng pagsunod ni Abraham. “Nang araw ring iyon, ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham si Ismael at lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan, maging aliping ipinanganak doon o binili man.” (Genesis 17:23)

Maraming beses na na-aantala ang ating pagsunod. Ginagawa rin naman natin ito (maaring pagkaraan ng maikli o mahabang panahon), subalit ipinapakita natin na nahahati ang ating puso at wala ang galak na ganapin ang ipinag-uutos sa atin ng Diyos.

Ang naantalang pagsunod ay hindi kailan man magbibigay ng lubos na biyaya na inilaan ng Dios sa atin kung tayo sana ay dagliang tumalima sa Kanyang utos. Dahil sa ating pagpapaliban o pagpapabukas ng mga bagay na dapat gawin, tayo mismo ang nag-aalis ng pag-papala sa atin mismong sarili, at gayon din sa ibang tao. Maaring ito ay dala ng katamaran o kawalan ng pananampalataya.

Gawin natin ngayon ang ipinag-uutos ng Dios, at huwag nating ipag-walang bahala o iisang-tabi ang nais ng Dios na gawin natin.

Ito ang sinabi ni Martin Luther, “Ang tanong na Bakit?  ay ipapako o papatayin ng tunay na mananampalataya. Daglian siyang susunod ng walang pagtatanong.” Hindi tayo dapat maging katulad ng mga tao na “Hangga’t hindi nakakakita ng mga palatandaan at mga kababalaghan ay hindi mananampalataya.” (Juan 4:48).  Sapat nang dahilan ang Salita ng Dios upang tayo ay sumunod, gaya ng halimbawa sa atin ni Abraham.

 

Isinalin sa Filipino Mula sa Streams in the Dessert ni L.B. Cowman.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top