Buong Pusong Pagsunod at Paglilingkod

0

 

Ang mga eskriba ay mga taong nag-aaral at nagpapaliwanag ng kautusan. Sa Biblia, sila ay kilala sa kabutihang asal ngunit katulad ng mga Pariseo sila rin ay mga kaaway ni Hesu-Kristo. Subalit narito ang isang eskriba na masigasig na nagpasya na susunod siya kay Hesus. “Guro, susunod ako sa Iyo saan ka man pumaroon.”

Kahanga-hangang pagpapasya, subalit sa tingin ni Hesus, ito ay padalos-dalos, hindi taos sa puso at nagnanais lamang ng materyal na pakinabang. Upang mailantad ang kanyang puso, sinabi ni Hesus sa kanya, “May mga lungga ang mga zorro, at may pugad ang mga ibon sa langit, datapwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kaniyang ulo.”

Sa sagot na ito ni Kristo, makikita natin ang kahirapang Kanyang dinanas kung saan mas mabuti pa ang kalagayan ng ibon at zorro dahil mayroon silang sariling tahanan. Ang Panginoong Hesus ay wala man lamang unan sa Kanyang pagtulog. Sa Kanyang pagmiministeryo, Siya at ang Kanyang mga disipulo ay nabubuhay sa kabutihan ng ibang tao. Nagpailalim si Hesus sa abang kalagayan upang masunod ang hula sa Kautusan at upang ipakita sa atin na mas may bagay na mahalaga kaysa sa mga bagay na tinatangkilik dito sa lupa. Maisip sana natin ang naging halaga para kay Kristo ng ating kaligtasan.

Nang sinabi ni Hesus na wala Siyang tirahan, ipinakita ni Hesus na walang materyal at pansariling pakinabang ang eskriba sa pagsunod sa Kanya. Dito ay sinasabi rin sa atin na ang sinumang susunod kay Kristo ay dapat na ibigay ang kanyang buong pusong pagsunod at paglilingkod. Maraming tao ang lumalapit kay Kristo subalit hindi lubusang isinusuko ang sarili.

Mahalaga sa Panginoon ang kalagayan ng puso ng tao. Ibinigay ni Hesus ang Kanyang buhay sa atin, at nararapat lamang na ibigay din natin sa Kanya ang ating buong pusong pagsunod at paglilingkod.  Ang taong nahahati ang puso ay hindi tatanggapin ni Kristo.

 

Isinalin sa Filipino mula sa komentaryo ni Matthew Henry. e-sword.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top