Biyaya ng Kahinahunan
0
Ang pagkakaroon ng kahinahunan ay hindi gaanong ipinapanalangin kumpara sa ibang tila mahahalagang katangian katulad ng pagmamahal at kagalakan. Ang kahinahunan ay ang pagiging sensitibo sa pakiramdam ng iba at may pag-iingat na hindi masaklawan ang kanilang karapatan. Gaya ng maingat na paghawak ng isang mamahaling kristal, iniingatan din ng taong may kahinahunan ang kalooban ng iba.
Ang pagiging mahinahon ay nakikita sa banayad na pagpapahayag ng opinyon, at sensitibo naman sa opinyon ng iba. Ngunit may kahandaan din na tumutol kung hindi ito ayon sa Salita ng Dios. Ang taong mahinahon ay nagtutuwid sa kamalian ng hindi nakakasakit ng damdamim, at isinasaalang-alang lagi ang kapakanan ng iba. Hindi niya tinitingnan ng mababa ang kapwa, at hindi nakikisali sa usapan ng paninira sa iba.
Si Kristo ay nagpakita ng halimbawa ng kahinahunan. Sa Mateo 11:28-29 ay Kanyang sinabi, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan… ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan sa inyong mga kaluluwa,” Ang salitang “kahinahunan” sa Syriac New Testament ay may kasing-kahulugan sa salitang “kapahingahan”. Bilang mga binago ni Kristo, sikapin natin na magkaroon ng pakiramdam ng “kapahingahan” ang mga tao kapag nakakasama nila tayo.
Ang pagiging mahinahon ay tinitinggnan ng iba na isang kahinaan. Subalit Ito ay pagpapakita ng makalangit na karunungan. Hindi madaling maging mahinahon. Nangangahulugan ito ng pagpapakababa upang dumamay at maging sensitibo sa iba. Kaya’t ito ay hindi kahinaan kundi nagmumula sa kapangyarihan ng Dios na bumabago sa puso ng isang Kristiano.
Ating linangin ang katangian ng pagiging mahinahon upang sa ating buhay ay makita ang karunungan ng Dios.
Mula sa Aklat na The Practice of Godliness ni Jerry Bridges.