Biyaya Mula sa Malamig na Bilanguan
0Mahirap man ang gawain ng paglilingkod sa Panginoon, ito ay nagiging magaan dahil nagagawa natin ito ng may kalayaan. Ngunit napakahirap ang makulong at mawalay sa ating pamilya at Iglesia, lalo pa na pigilan ang malayang pagpapagal para sa Panginoon.
Si Pablo ay nagpakita ng ibang angulo ng kanyang buhay nang siya’y ibilanggo ng mga Romano. Mababasa natin na hindi siya nagpatalo sa mga kaaway. Hindi niya tiningnan ang sarili na biktima ng Sanhedrin. Hindi niya tiningnan ang sarili na bilanggo ni Festus o ni Caesar, kundi “bilanggo ng Panginoon.” Para sa kanya, ang bilangguan ay isang palasyo kung saan ang awit ng papuri ay maririnig sa malamig na pader nito.
Sa bilangguan, nagtayo si Pablo ng bagong pulpito, kung saan dumaloy ang mga sulat at mensahe na nagpalaya at patuloy na nagpapalaya sa gapos ng kasalanan at pagkabalisa ng mga mananampalataya.
Dahil sa pag-uusig, ang tinig ni John Bunyan ay pinatahimik sa loob ng 12 taon. Subalit mula sa malamig na bilanguan, malakas na umalingawngaw sa buong mundo ang kanyang tinig nang isulat niya ang The Pilgrim’s Progress. Ang aklat na ito ay lumaganap at isinalin sa maraming wika. Naging ikalawa ito sa Biblia sa dami ng bumabasa. Sinabi ni John Bunyan, “Ang madilim niyang pagkabilanggo ay naging isang magandang panaginip na nagbibigay tanglaw sa milyon-milyong napapagod na manlalakbay.”
Dahil sa pag-ibig at habag ng Dios, pinapadaloy Niya ang Kanyang dakilang kaaliwan kahit sa gitna ng ating pag-iisa, sakit man o pagdurusa. Ginamit ni Pablo at John Bunyan ang bilangguan na isa pang oportunidad ng paglilingkod—na sa tingin ng iba ay lugar ng pagdurusa at kawalan ng pag-asa.
Paano natin tinitingnan ang malamig na bilangguan sa ating buhay?
Isinalin sa Filipino Mula sa Streams in the Dessert in L.B. Cowman