Basahin Natin ang Biblia
0Sumunod sa pananalangin, walang hihigit pa sa pagbabasa ng Biblia. Ayon sa habag at biyaya ng Dios, binigyan Niya tayo ng Biblia “na mapakikinabangan sa pagtuturo, pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:15). Sa pagbabasa ng Biblia, matututunan natin kung ano ang dapat paniwalaan, ano ang dapat gawin, at paanong mabuhay ng kaaya-aya at mamatay ng payapa. Pinakamasaya ang taong binabasa ang Biblia at ginagamit ito na gabay sa pananampalataya at buhay.
Ngunit isang trahedya na hindi ito pinapahalagahan ng napakaraming tao. Napakaraming Biblia ang nakalimbag sa ating panahon. Sari-saring klase, salin, presyo, at wika ng Biblia ang mabibili. Marami ang may Biblia, ngunit ilan ba ang bumabasa?
Walang ibang aklat sa lupa ang nasulat katulad ng Biblia. Ito ay kinasihan ng Dios. “Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Dios…” (2 Timoteo 3:16). Ang Dios ang nagturo sa mga sumulat kung ano ang kanilang isusulat. Kapag binasa natin ito, hindi natin binabasa ang sulat ng taong makasalanan kundi ang salita mismo ng makapangyarihan at perpektong Dios. Kapag pinakikinggan natin ito, hindi tayo nakikinig sa opinyon ng taong namamatay at paiba-iba ng pag-iisip. “Sapagkat walang propesiya na dumating kailanman sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga taong inudyukan ng Espiritu Santo ay nagsalita mula sa Dios.” (2 Pedro 1:21)
Maaaring iba’t-iba ang paraan at estilo ng pagsulat katulad ng iba ang sulat ni Isaias kaysa kay Jeremias, (ni Pablo kaysa kay Santiago). Subalit pareho silang kinasihan ng Dios. Gaya rin naman na iba’t-iba ang pagka-asul ng tubig sa dagat dahil sa pagkakaiba ng lalim nito, pero pareho pa ring tubig sa karagatan. Maaaring iba ang estilo ng pagsulat dahil sa iba-ibang personalidad, subalit ang Dios na gumabay at nagdikta sa pagsulat ay iisa lamang. Kaya’t bawat sinulat sa Biblia ay pare-parehong kinasihan ng Dios, bawat kapitulo, bawat bersikulo, bawat salita.
Makinig tayo sa paghimok ni Augustine patungkol sa Biblia, “Kunin at basahin! … kunin at basahin!” Gaanong kahirapan, kaguluhan, at pagkalito at kamangmangan ang mapapawi kung babasahin lamang ng tao ang Biblia.
Isang mabigat na katotohanan na ang Biblia ay isinulat upang malaman ng tao ang kalooban ng Dios. Nasa ating harapan ang mga kautusan ng Dios. “… ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Dios.” (Mga Taga Roma 3:2).
Ano ang ginagawa mo sa iyong Biblia? Binabasa mo ba ito? Paano mo ito binabasa?
J.C. Ryle. Practical Religion. The Banner of Truth Trust.