Aral Mula sa mga Ulap
0
Ang mga ulap sa langit ay napakagandang pagmasdan. Para silang bulak na nagpapalutang-lutang sa langit. Maganda pa rin ang langit kung puro bughaw ito, subalit wala nang gaganda pa kung may mga ulap na naglalayag sa kataasan ng langit. Nakakatulong din ito ng malaki. Dala-dala ng ulap ang ulan na siyang dumidilig sa kalupaan. Ito ang nagbibigay ng buhay at sigla sa mga halaman, hayop at tao. Ang mundo ay magiging isang tigang na lupa kung wala ang mga ulap. Nagbibigay din ito ng ginhawa mula sa matinding init ng araw.
Datapwa’t minsan, ang ulap ay nagiging maitim at nagbabadya ng pagdating ng masamang panahon. Ngunit, kung titingnan ang ulap, hindi mula sa lupa kundi mula sa kalawakan, ating mamamasdan ang sama-samang repleksyon ng liwanag at tayo ay lubos na mamamangha.
May ispiritwal na leksyon tayong matututunan. Minsan, sa buhay ng tao, dumarating din ang ulap ng pagdurusa at sari-saring problema. Kung titingnan natin ang maitim na ulap ng buhay gamit ang sariling pananaw, tayo ay maaaring mabalisa at hindi natin malalaman ang kaliwanagan na taglay ng mga ulap na ito mula sa kataasan. Ngunit kung titingnan natin ang ating mga kabigatan mula sa kaitaasan (ito ay ayon sa ating kaugnayan kay Kristo), makikita natin ang kagandahan ng bahaghari at iba’t-ibang kulay ng kalualhatian ng langit. Ating makikita na may nakatagong pagpapala na nakapaloob sa maitim na ulap ng buhay.
Sa tamang pagtingin sa ulap ng buhay, hindi tayo mangangamba, mabalot man ng maitim na ulap o matakpan man ng anino ang mga plano at ating mga mithiin sa buhay.
Ating tandaan na ang bawat ulap ay may dalang ulan na maglilinis at magbibigay sigla sa kaluluwa. Sa hindi natin nakikitang ibabaw nito, naroon ang liwanag ni Kristo. Kaya’t tayo ay hinihimok na tingnan ang mga ulap ng buhay hindi sa ating kalagayan sa lupa, kundi sa ating mabuting kalagayan kay Kristo—dahil may liwanag sa likod ng maitim na ulap.
Mula sa Streams in the Desert ni L.B. Cowman