Anong Lalim Ng Pag-ibig Ni Kristo!
0O! anong lawak at lalim ang pag-ibig ni Kristo! Walang bahagi ng buhay ng tao ang hindi Niya napapansin, at walang kabigatan sa atin na hindi mahalaga sa Kanya. Hindi lamang Niya tayo iniisip bilang isang imortal na nilalang na may kaluluwa, kundi bilang isang mortal, na may marupok na katawan. Kaya nga, “Maging mga buhok ninyo’y bilang na lahat… (Lukas 12:7a). Alam ng Diyos ang hakbang ng mabuting tao, at Siya ay nalulugod dito (Mga Awit 37:23).
Hindi ba isang malalang problema kung hindi nasasaklawan ng pagkalinga ng Diyos ang lahat ng ating kabagabagan? Sapagkat anong panganib at kabigatan ang maaring dumating sa atin kung hindi tayo inaalagaan ng Diyos!
Kaya dapat maging payapa ang ating mga puso na tayo ay kinakalinga ni Hesus kahit sa pinakamaliliit na bagay sa ating buhay. “Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya.” (Lukas 12:7b). Ang lawak ng Kanyang pag-ibig ay nangangahulugan na maari tayong lumapit sa Kanya dala ang lahat ng ating mga kabigatan. Gaya ng isang ama na nahahabag sa kanyang anak, ay gayon din ang Panginoon sa Kanyang mga tao.
Masusukat ba natin ang pag-ibig ni Kristo? Tingnan natin ang mga dakilang biyaya na ibinigay ni Niya sa atin dahil sa Kanyang pag-ibig: Pinawalang-sala tayo sa kasalanan, tayo ay inaring-ganap, pinababanal tayo sa bawat araw, at may naghihintay sa ating buhay na walang-hanggan. Ang kayamanan ng kanyang kabutihan ay hindi masukat, hindi abot ng kaisipan. O! anong lalim ng pag-ibig ni Kristo!
Ang katumbas ba nito ay kalahati lamang ng ating puso? Tatapatan ba natin ng panlalamig ang Kanyang pag-ibig? Ang Kanya bang kabutihan at pagkalinga ay susuklian natin ng pagwawalang-bahala?
Pinagpalang bayan, magpasalamat tayo ng mainam! Mabuhay tayo sa kagalakan dahil hindi tayo nag-iisa. Tayo ay binabantayan, inalagaan, pinagpapala at ipinagtatanggol ng ating Panginoon Hesus.
Sa ating buhay Si Kristo ay itanghal!
Isinalin sa Filipino. Spurgeon’s “Morning and Evening”