Ang Tunay na Matalino
0Ilan sa magsisipagtapos sa buwan na ito ay makakatanggap ng karangalan. Mabuting maging matalino. Kaya nga maraming nag-uukol ng panahon, pera at pagod upang maging matalino. Kalimitan, sila ay nagiging matagumpay sa buhay at may malaking naiaambag sa lipunan. Umaani sila ng papuri at karangalan, at iginagalang sa lipunan. Nguni’t ang talas ng isip sa mga bagay na panlupa ay hindi makapaglalapit sa Dios, ni makakapagligtas sa kaluluwa. Kung hindi mabuksan ang mata sa mga katotohanan sa Biblia, mananatili silang mangmang at mapapahiya sa oras ng paghuhusga ng Dios.
May aklat na nagbibigay ng katalinuhan na maglalapit sa Dios at magliligtas ng kaluluwa. Ito ay ang Biblia (2 Tim 3:15). Dito ipinakikilala ang banal at makapangyarihang Dios na lumalang ng langit at lupa, at Siya ring nagbigay sa atin ng buhay. Mahal tayo ng Dios, subalit sinuway Siya ng ating unang magulang – si Adan at Eba. Malinaw sa kanila ang kaparusahan ng pagsuway subalit napadala sila sa tukso ng Demonyo. Sa kanilang pagkakasala, dinala nila ang lahat ng sangkatauhan sa kasalanan at kaparusahan. Ito ang dahilan kung bakit lumaganap ang kasalanan sa puso ng tao. Hindi tayo dapat magtaka sa kasamaan ng tao at lipunan. Ito ay epekto ng kasalanan.
Ngunit sa Biblia ay mababasa ang Magandang Balita. May kaligtasan sa makasalanan! Isinugo ng Dios ang Kanyang bugtong na Anak na si Hesus upang ang sinumang manampalataya sa Kanya at magsisi ng kanyang mga kasalanan ay makalapit sa Dios at magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16). Ibibigay ng Dios ang Banal na Ispiritu sa sinumang lumapit sa Kanya, upang ang makasalanang puso na nagmamahal sa sarili ay baguhin at magnais na magmahal sa Dios at maglingkod sa Kanya. Ngunit mauunawaan lamang natin ang Biblia kung babasahin natin ito ng may pagpapakumbaba at taos-pusong pananalangin sa tulong at awa ng Dios.
Ang taong nagbabasa, nakakaunawa at naisasagawa ang Salita ng Dios sa Biblia ang tunay na matalino dahil ang talino na nasa kanya ay hindi mula sa tao, kundi mula sa Dios.
Hango sa aklat ni J.C. Ryle. Practical Religion. 2009. The Banner of Truth Trust.