Ang Tamang Pagkilala sa Dios na Lumikha
0Ang tunay na karunungan ay ang tamang pagkilala sa Dios at sa ating sarili. Hindi tayo makakapag-isip ng tama sa ating mga sarili, maliban sa magkaroon tayo ng tamang kaisipan tungkol sa Dios. Ang Dios ang nagbigay sa atin ng buhay at lahat ng mabubuting bagay. Siya rin ang kumakalinga at nagpapanatili sa lahat ng Kanyang nilikha. Marapat lamang na Siya’y ating kilalanin .
Ngunit ang tao ay may likas na kayabangan. Iniisip niya na siya ay mabuti. subalit ang kanyang pagpapasya ay may bahid ng kasamaan. Iniiisip niya na ang isang bagay ay mabuti dahil hindi ito kasing sama ng iba. Ang puti sa kanyang paningin ay itim dahil sa madilim niyang paningin. Kung itatapat ang kanyang buhay sa pamantayan ng Dios, maliwanag na nalilinlang siya ng sariling pagbabalat-kayo. Ang kanyang katuwiran ay kasalanan, ang kanyang kalakasan ay kahinaan, ang kanyang karunungan ay kamangmangan.
Ang mananampalataya noong una na nakaramdam ng presensya ng Dios ay nagkaroon ng matinding takot. Si Manoah na ama ni Samson ay nagsabi: “Walang pagsalang tayo’y mamamatay, sapagka’t ating nakita ang Dios.” (Hukom 13:22). Nakita ni Isaias ang kanyang karumihan “Sa aba ko! sapagka’t ako’y napahamak; sapagka’t ako’y lalaking may maruming mga labi, at ako’y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka’t nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo.” (Isaias 6:5). Nalantad ang kanilang kawalan ng masaksihan nila ang kalualhatian ng Dios.
Alam ng marami na may Dios, subalit mababaw lamang ito. Mababaw ang pagka-alam nila na ang Dios ang lumikha at nagpapanatili ng bagay na nilikha, na ang Dios ay mabuti, makatwiran at makatarungan. Ang tamang pagkakilala sa Dios ay nagtutulak na mahalin, sundin at paglingkuran ang Dios. Ang maniwalang may Dios ay hindi pagkilala sa Dios.
Ang tunay na pagkilala sa Dios ay ang makita ang sarili na walang katwiran maliban na ito ay ipagkaloob ng Dios. Ito rin ay ang tanggapin na lahat ng mabubuting bagay ay galing sa Dios at ang mga ito ang dapat hanapin at ipagpasalamat. Higit sa lahat, dapat ay kilalanin na ang ating buhay ay pag-aari ng Dios. Kung tayo ay sa Dios, ang ating kilos at pamumuhay ay dapat ayon sa kagustuhan Niya. Hindi tayo tatalikod sa kasalanan dahil takot tayo sa parusa ng Dios. Lalayuan natin ang kasalanan dahil mahal natin ang Dios, at ayaw nating sumuway sa Kanya.
Isinalin sa Filipino mula sa aklat na Biblical Christianity ni John Calvin. 1982. Grace Publication.